Filtered By: Topstories
News

Batang lalaki, hinihinalang namatay sa meningococcemia sa Bulacan


MALOLOS, Bulacan – Hinihinalang sakit na meningococcemia ang ikinamatay ng isang anim na taong gulang na batang lalaki sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Bago pumanaw sa Roquero General Hospital, sinasabing kinakitaan ng sintomas ng meningococcemia ang batang pasyente na residente ng Brgy. San Matin 1, San Jose del Monte. Dahil dito, nagsagawa ng preventive measure ang mga awtoridad at kaagad na hinanap ang mga tao na nakalapit sa pasyente para mapainom ng gamot nang hindi na kumalat sakit. Nagsagawa rin ng spraying at disinfection sa bahay at paligid ng tirahan ng batang biktima ang City Health Office. Namigay na rin sila ng mga antibiotic sa mga kaaanak at mga kapitbahay ng biktima, ayon kay Dr Roy Mangubat, health officer ng San Jose Del Monte. Ipinaliwanag ng opisyal na hindi dapat matakot sa meningococcemia ang mga taong malusog ang pangangatawan. Aniya, ang mga taong mahina ang immune system kagaya ng mga may sakit, mga nakatatanda at mga batang edad dalawa pababa, ang delikadong dapuan ng virus. Kaagad ding ipalilibing ang pumanaw na bata dahil kasama ito sa ipinatutupad na pag-iingat ng Department of Health, kaugnay sa nakahahawang sakit. Dahil mahirap ang pamilya ng batang biktima, sasagutin ng lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte ang gastusin sa pagpapalibing sa pasyente. Pero maliban sa pangamba ng meningococcemia, humihingi rin ng suporta sa provincial government ang pamahalaang pambarangay ng San Martin 1 dahil sa dumadaming residente na nagkakasakit ng dengue. Napag-alaman kay Rafael Rocco, kapitan ng barangay ng San Martin 1, na umabot na sa 21 katao ang na-dengue sa kanyang lugar, at isa na sa mga ito ang namatay. - GMA News