Filtered By: Topstories
News

‘Pabigat’ na miyembro ng Gabinete, dapat sibakin daw ni PNoy


MANILA – Iminungkahi ng isang kaalyadong senador ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na sibakin ang dalawa hanggang tatlong miyembro ng kanyang Gabinete na itinuturing pabigat sa kanyang administrasyon. Sa pahayag ni Sen. Francis Escudero nitong Huwebes, sinabi nito na hindi na dapat magtagal sa puwesto ang mga kalihim kung sila mismo ang nagdadala ng mga problemang inirereklamo ni Aquino. “Kung sila din ang may kasalanan at gumawa ng problema… dapat lang naman siguro (na sila ay sibakin)," ayon sa senador. Nauna rito, inamin ni Aquino nitong Huwebes ng umaga na may dalawa hanggang tatlong miyembro ng kanyang Gabiente ang hangga’t maaari ay ayaw niyang makaharap dahil laging masama ang balitang ibinibigay sa kanya sa halip na solusyon sa problema. "Meron akong ilang miyembro ng Gabinete, mga dalawa hanggang tatlo na kada makita ko kaagad iniisip ko ano kayang bad news ang dala-dala nito," pahayag ni Aquino sa kanyang talumpati sa 113th anniversary ng Department of Public Works and Highways. Sinabi pa ni Aquino na dapat gayahin ng ibang miyembro ng kanyang Gabinete ang ginagawa nina Public Works Sec Rogelio Singson, Science and Technology Sec Mario Montejo at Budget Sec Florencio “Butch" Abad, na kahit may problema ay nakahandang hanapan ng solusyon. Hindi naman tinukoy ni Aquino kung sino ang mga kalihim na laging masama ang balitang dinadala sa kanya. -- GMA News