Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pinoy artists pay tribute to Philippine movie industry


Nagsama-sama ang ilang artista para magbigay pugay sa ika-92 taong anibersaryo ng industriya ng pelikulang Pilipino. Sa naturang pagtitipon, ilang Kapuso stars ang kasama sa mga binigyan ng pagkilala dahil sa naging kontribusyon nila sa industriya. Sa ulat ni showbiz reporter Cata Tibayan, sinabi nito na binalikan sa naturang pagtitipon ang mga klasikong pelikula. Kasama rito ang mga nakakakilig na love team noon, mga ‘di malilimutang kissing scenes at maaaksiyong eksena. Ang pagbibigay pugay sa Filipino movie industry na tinawag na “Pinilakang Tabing," ay pinangunahan ng Movie Workers Welfare Fund o Mowelfund at Film Development Council of the Philippines. Sa ika-92 na anibersaryo ng industriya ng pelikulang Pinoy, kinilala ang mga batikang aktor at aktres na kinabibilangan ng ilang Kapuso stars tulad nina Eddie Gutierrez, Christopher de Leon, Gloria Romero, Sen Ramon “Bong" Revilla Jr., Regine Velasquez at Jolina Magdangal.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kinilala rin ang mga umuusbong love team ngayon gaya ng “Al-Kris" o tambalang Aljur Abrenica at Kris Bernal; at “Dong-Yan" nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, inihalintulad ni Boots Anson Roa, Trustee at Executive Director ng Mowelfund, ang Pinoy film industry sa mga Pilipino na isang survivor. Sina Aljur at Bea Padilla, na kapwa dumalo sa pagtitipon, ay nagpahayag na dapat tangkilikin ang pelikulang Pilipino. “In our time now hindi masyadong uso ang pelikulang Pilipino, so maganda sinusuportahan natin ang mga ganitong event… Awareness lang talaga, mabubuhay natin muli ang pelikulang Pilipino," ayon kay Bea. Ang naturang pagtitipon ay dinaluhan din nina dating Pangulong Joseph Estrada, Sen Jinggoy Estrada, Sen Bong Revilla, Cesar Montano, Philip Salvador, at mag-asawang Dingdong Avanzado at Jessa Zaragoza. – FRJ, GMA News