Filtered By: Topstories
News

Kahit alagad ng Simbahan: Mga nakakuha ng espesyal na pabor sa PCSO, pinakakasuhan


MANILA – Hinamon ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pamahalaan na kasuhan ang mga sangkot sa umano’y maanomalyang paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace ng CBCP, dapat pangalanan ng pamahalaan ang lahat ng tumanggap ng espesyal na pabor sa PCSO, kabilang ang mga alagad ng Simbahang Katoliko at miyembro ng media. “Kung sinuman ang mga taong nabanggit diyan sa katiwalian na ‘yan, including bishops ay dapat isama sa lahat ng imbestigasyon para malaman ang buong katotohanan at kasuhan na kung dapat kasuhan," pahayag ni Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas nitong Martes. Ayon sa Obispo, ang gagawing imbestigasyon ay magagamit ding pagkakataon ng mga inaakusahan ng kasalukuyang pamunuan ng PCSO na maipagtanggol ang kanilang sarili. “Hindi ko lang alam kung paano nakinabang ang mga obispo diyan. Kasi ang iba ay nakakatanggap ng tulong para sa mga project sa mga mahihirap at disaster preparedness and related assistance," paliwanag niya. “Ang iba naman ay hindi alam kung ito ay galing sa sugal. Hindi ko lang alam kung paano nangyari ‘yan. Kaya nga isama sila sa imbestigasyon at makapagpaliwanag na rin ang mga obispo dito," dagdag na pahayag ni Pabillo. Sa ulat ng State of the Nation ng GMA News TV 11 nitong Martes, sinabi ni Margie Juico, kasalukuyang pinuno ng PCSO, na namigay umano ng mga dating miyembro ng PCSO board, ng mga sasakyan sa mga alagad ng Simbahan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kabilang umano sa mga nabigyan ng mga sasakyan noong 2009 ay obispo sa Mindanao, pari at monsignor. Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), umabot sa P7 milyon ang nagastos ng dating liderato ng PCSO sa pamimigay ng mga sasakyan. Idinagdag ng komisyon na bawal ang pagbibigay ng pera o gamit ng gobyerno sa mga sektor kagaya ng Simbahan. “Marami rin namang mahihirap na nakapaikot sa kanila sa mga diocese nila. Nanghihinayang lang ako sana lang naman yung pondo na ginamit pambili ng Pajero, marami na sanang natulungan sa pondong ‘yon," ayon kay Juico. Sinabi naman Bishop Teodoro Bacani, na pansariling aksyon ng mga alagad ng Simbahan kung mayroon mang mga obispo na humingi ng tulong pinansiyal o sasakyan sa gobyerno. Gayunman, hinikayat niya ang mga alagad ng Simbahan na nakakuha ng pabor sa pamahalaan na magsalita at magpaliwanag tungkol sa nasabing usapin. Sinabi sa ulat na sinusubukan pa na makuha ang panig ni dating pangulong Arroyo at dating miyembro ng PCSO board. Ngunit ayon kay Manoling Morato, dating miyembro ng board, wala umanong ilegal sa ginawang pagbibigay ng sasakya sa mga alagad ng Simbahan. “Kasi ang churches… are partners of PCSO in their charity work. Hinahamon ko na lang sila to sue us in court. Doon kami magkakaliwanagan kasi nag-iimbento ng kung anu-ano eh," ayon sa dating opisyal. - FRJ, GMA News
Tags: pcso, cbcp