Filtered By: Topstories
News

Unang ‘urgent bill" ni PNoy, batas na


MANILA – Nilagdaan na ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III nitong Huwebes para maging ganap na batas ang panukalang batas na isabay sa 2013 midterm elections ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nakatakda sanang gawin sa darating na Agosto. Kabilang sa sumaksi sa pagpirma ni Aquino sa Republic Act 10153, sina Senate President Juan Ponce Enrile, Speaker Feliciano Belmonte, Sen Franklin Drilon at Sen Teofisto Guingona III. Ang naturang panukala ang kauna-unahang sinertipikahan ni Aquino bilang urgent bill para mapabilis ang pag-apruba rito ng Kongreso. Magkakabisa ang RA 10153 pagkaraan ng 15-araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan. Nakapaloob sa bagong batas ang pagbibigay ng kapangyarihan kay Aquino na magtalaga ng mga pansamantalang mamumuno sa ARMM kapag natapos ang termino ng mga nakaupong opisyal na epektibo sa Setyembre. Sa pulong balitaan matapos ang paglagda niya sa RA 10153, sinabi ni Aquino na dapat may katulad na hangarin niya ang taong maitatalaga bilang officer-in-charge (OIC) sa rehiyon. “Yung hindi magpapatuloy ng sistemang nakaugalian sa ARMM, talagang naka-focus mag-dedeliver ng basic services na due them," pahayag nito.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Idinagdag nito na dapat may roadmap tungo sa reporma at pagbabago ng ARMM ang pansamantalang pamumuno sa autonomous region na tatagal ng 21 buwan. “Yung essence nun yung magpapatupad ng pangarap natin na maranasan ng lahat ng taga-ARMM yung ibig sabihin ng good governance at walang balak tumakbo sa regional government," dagdag ng pangulo Kabilang sa mga lumutang na posibleng maging OIC ng ARMM ay sina ARMM acting Gov. Ansaruddin Abdul Malik Alonto Adiong, at human rights advocate at dating Anak Mindanaw party-list Rep na si Mujiv Hataman. Samantala, nagrepresenta naman si Moro Islamic Liberation Front leader Eid Kabalu na pamunuan ang ARMM. Ngunit ayon kay Aquino, hindi pa niya natatalakay kay presidential peace adviser Teresita Deles, ang ginawang pagpresinta ni Kabalu. “I have yet to hear it from the peace adviser. We will have to study that matter also and there will be a process to select the leader, OIC for ARMM," paliwanag niya. Kontra, pabor sa RA 10153 Kasunod ng paglagda ni Aquino sa RA 10153, naghain naman ng petisyon si House Minority Leader Rep Edcel Lagman sa Korte Suprema para pawalang bisa ang naturang batas. Sa inihain niyang petition for certiorari and prohibition, hiniling ni Lagman sa SC na magpalabas ng temporary restraining order sa pagpapatupad nito. Kasama bilang respondent sa petisyon si Executive Secretary Paquito Ochoa. “It is a violation of the constitutional guaranty of elective and representative regional officials in ARMM with the deferment of elections for almost two years and the installation of OICs," ayon kay Lagman. Hiniling din ng kongresista na atasan ng SC ang Commission on Elections na ituloy ang paghahanda para sa pagdaraos ng halalan sa ARMM sa August 8, 2011. Bilang suporta naman sa RA 10153, nagdaos ng prayer rally sa Mendiola, Manila ang mga Muslim sa Metro Manila, Rizal at Cavite upang suportahan ang layunin ni Aquino na ipatupad ang reporma sa ARMM. Ang pagtitipon ay pinangunahan ng Anak Mindanao (AMIN) party-list group at Bangsamoro Solidarity Movement (BANGSA). “For a long time, ARMM has functioned only as a source of corruption and center of electoral irregularities; the ARMM synchronization law is a respite and provides an opportunity for reforms," ayon kay Imam Basit Marangit, religious leader mula sa Islamic Center sa Quiapo. Ayon naman kay Jolly Lais, secretary general ng BANGSA, kapuri-puri ang determinasyon ni Aquino na isulong ang pagbabago sa ARMM makaraang ang 21 taon mula nang itatag ang autonomous region. “Ang pagpatupad ng ARMM Synchronization Law ay isang pambihirang pagkakataon na dapat tratuhing mas bentahe para sa pagsulong ng pagbabago at reporma, imbes na batikusin at tanggihan," pahayag ng grupo. - FRJ, GMA News