Filtered By: Topstories
News

Bilang ng nagugutom na pamilyang Pinoy, nabawasan – SWS


MANILA – Nabawasan ang bilang ng mga Pilipino na nakararanas ng matinding gutom sa bansa sa nakaraang na tatlong buwan, batay sa pinakahuling survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS). Sa survey na ginawa mula June 3 hanggang 6, lumitaw na umabot 15.1 porsiyento ng pamilyang Pilipino (tinatayang tatlong milyong pamilya) ang nakararanas ng gutom sa bansa. Ang naturang listahan ay mas mababa ng 5.4 points mula sa 20.5 porsiyento (tinatayang 4.1 milyong pamilya) na nakaranas ng involuntary hunger noong Marso. Ayon sa SWS, ang resulta ng pinakabagong survey ang isa sa pinakamababang bilang ng mga Pilipino na nagugutom. Noong June 2007, naitala sa 14.7 porsiyento ang bilang ng pamilyang Pinoy na hindi nakakain ng sapat sa Pilipinas. Moderate, severe hunger Lumitaw sa survey ng SWS na nabawasan ng 2.6 points (mula sa 15.7% noong Marso tungo sa 17.7% ngayong Hunyo) ang nakararanas ng "moderate hunger,"(experiencing having nothing to eat only once or a few times.) Ang listahan ng moderate hunger ay nabawasan sa Balance Luzon (hindi kasama ang Metro Manila) sa 7.7 porsiyento nitong Hunyo, mula sa record high na 18.7 porsiyento noong Marso. Gayundin sa Metro Manila na mula sa 16.7 porsiyento at naging 11.3 porsiyento na lamang. Samantala, tumaas naman ito ng 8.6 points sa Visayas (18.3%) at ganundin sa Mindanao (20%), na tumaas ng 5.3 points. Ang “severe hunger," o mga pamilya na madalas walang makain ay nabawasan din ng 2.0 porsiyento. Ito ang pinakamababang naitala mula noong 2003, ayon sa SWS. Mula sa 950,000 pamilya na nakararanas ng matinding gutom, naibaba ito sa 403,000 pamilya. Nabawasan ng 4.3 points ang severe hunger sa Balance Luzon (2.0%); at 2.3-point din ang nabawas sa Visayas (2.7%) at Metro Manila (1.7%). Bahagya ring nabawasan ng 0.3 points ang severe hunger cases sa Mindanao (1.7%). Nakapagtala rin ang SWS ng malaking pagbaba ng overall hunger rates sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon. – FRJ, GMA News