Filtered by: Topstories
News

Opinyon ng mga ‘di taga-Davao City, di mahalaga kay Sara Duterte


Iginiit ng alkalde ng Davao City na si Sara Duterte na sa kanyang mga kababayan siya may obligasyong magpaliwanag kaugnay ng ginawa niyang pagsuntok sa isang court sheriff ng lungsod nitong Biyernes. Sa panayam ni Jessica Soho sa State of the Nation ng GMA News TV 11 nitong Biyernes ng gabi, pinanindigan ng alkalde ang nauna niyang pahayag sa panayam sa radyo na hindi mahalaga sa kanya ang opinyon ng mga taong hindi sangkot sa nangyaring kaguluhan. Bagaman wala umanong "excuse" sa kanyang inasal, iginiit niya na ang kanyang pananagutan ay nasa kanyang mga kababayan sa lungsod.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa payo na rin umano ng kanyang abogado, magsusumite siya ng affidavit tungkol sa nangyari para sa anumang magiging imbestigasyon kasama ang gagawin ng Department of Interior and Local Government (DILG). Inamin naman ni Duterte – anak ni Rodrigo Duterte, dati ring mayor ng Davao City at kasalukuyang bise alkalde ng lungsod – na matindi ang init ng kanyang ulo nang masapak niya si Abe Andres, city sheriff ng Regional Trial Court. Nagalit umano siya (Sara) kay Andres dahil hindi umano pinagbigyan ng huli ang kanyang pakiusap na dalawang oras na palugid sa paghahain ng demolition order sa 200 bahay sa Barangay Monteverde. Dahil sa pagpapatupad ng demolition order, ilang residente, miyembro ng demolition team at mga pulis ang nasaktan. Maantala umano ang pagdating ng alkalde sa lugar dahil abala siya sa pag-asikaso sa mga biktima ng pagbaha sa lungsod kung saan umabot na sa 31 katao ang nasawi. Bukod kay Andres, nakatikim din ng sermon kay Duterte ang mga pulis na sangkot sa demolisyon at maging ang mga residente. Sa hiwalay ng ulat ng GMA News 24 Oras, sinabi ni DILG Sec Jesse Robredo na maaaring magsagawa ng "motu proprio" investigation ang ahensiya sa kinasangkutan ni Duterte. Sakaling mapatunayan nagkasala, maaari umanong parusahan ang alkalde ng mula sa pinakamababang reprimand hanggang sa pinakamabigat na pagtanggal sa puwesto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Gayunman, sinabi ni Robredo, na wala siyang nakikitang pag-abuso sa kapangyarihan na ginawa si Duterte kundi matinding emosyon dahil na rin umano sa mga nangyari sa nasasakupan nito. Nauunawaan daw ng kalihim na dating alkalde ng Naga City, ang sitwasyon ni Duterte pero kailangan nilang imbestigahan ang pangyayari. Nauna nang sinabi ni Andres na wala siyang balak na maghain ng reklamo laban sa alkalde. Sa panayam ni Soho, nilinaw ni Duterte na ipinaabot niya ang paghingi ng paumanhin sa mga tao sa Hall of Justice ng Davao City na nadamay sa kanyang init ng ulo. Ngunit sa mga taong kasangkot sa usapin tulad nina Andres at Judge Carpio ay hindi umano niya ito kailangan ipaabot sa ibang tao. Idinagdag ng alkalde na hindi pa niya nakakausap o nakikita ang kanyang amang si Rodrigo matapos ang insidente dahil abala rin ang nakatatandang Duterte sa pagtulong sa mga kababayan nilang nabiktima ng kalamidad. Sa ulat ni GMA News Davao Tek Ocampo, sinabi nito na pabirong tumanggi munang magbigay ng pahayag si Vice Mayor Rodrigo Duterte sa kontrobersiya na kinasangkutan ng kanyang anak dahil baka masuntok din siya. - FRJ, GMA News

LOADING CONTENT