Filtered By: Sports
Sports

Chieffy Caligdong, bituing Azkal na taga-Iloilo


Mahihirapan ang pambansang koponan sa futbol laban sa Kuwait dahil mas mataas ang world ranking ng kanilang magiging susunod na kalaban. Pag-aamin ito ni Emelio "Chieffy" Caligdong, ang winger ng Azkals na siyang gumawa ng unang goal kontra Sri Lanka nitong nakaraang Linggo. Ngunit, dagdag ni Caligdong, paghahandaan nila ang susunod na laban sa Bahrain, kung saan plano nilang palakasin ang team kung saan ito magaling at tugunan ang mga bagay na kung saan sila mahina. (Read: Know your Azkals: Hail to the Chief(fy)!)
Sinabi ni Caligdong sa panayam sa kanya ni Jessica Soho sa programang State of the Nation gabi ng Lunes na nagawa niya ang kanyang goal noong Linggo dahil sa tulong ng kanyang teammates. Ipinaliwanag din niya na ang bahagyang alitan na namuo sa pagitan ng mga purong Pilipino at mestiso na miyembro ng team ay napag-usapan at inayos na nila, at si team manager Dan Palami ang namuno sa pagbibigay-solusyon sa konting tampuhan. Tutulak ang Azkals patungong Bahrain sa kalagitnaan ng Hulyo, kung saan meron silang dalawang test matches kontra Olympic team ng Bahrain sa futbol. Ang unang friendly game ay sa July 16 at ang ikalawa ay sa July 18. Ilang detalye ng training matches sa Bahrain ay nailathala na sa website ng peryodikong Gulf Daily News, kung saan inilahad na nagtulungan ang Philippine Football Federation at Bahrain Football Association upang maganap ang mga laban. Nabanggit din sa ulat ng Gulf Daily News na ang Filipino-owned AMA International University ay isa sa mga major sponsors ng test matches. Ayon din sa ulat ng Gulf Daily News, available na ang tickets para sa mga taga-Bahrain na nais manood ng tune-up games ng Pilipinas at Bahrain. Panayam ni Jessica Soho kay Chieffy Caligdong sa SONA, ika-4 ng Hulyo 2011: Jessica Soho (JS): Sa pagkapanalo ng Azkals, uusad na sila sa second round ng 2014 World Cup Asian Qualifier. Alamin natin ngayon kung paano naghahanda ang team Azkals sa laban nila sa Kuwait. Makakausap natin live ang striker ng Azkals na si Chieffy Caligdong. Magandang gabi sayo, Chieffy. Chieffy Caligdong: Good evening po. JS: Chieffy, congratulations ah, ikaw 'yung unang-unang naka-goal. Paano mo ba ginawa 'yon? Ano 'yon, in-assist ka? Napaghandaan? Na-practice niyo ba 'yon? Na-strategize? Chieffy Caligdong: Siyempre kung hindi dahil sa mga teammates ko, 'yung effort nila, hindi ko rin nagawa yung goal na 'yun. JS: Pero parang buwenamano 'diba dahil matapos mong maka-goal, sunud-sunod na. Chieffy Caligdong: Siyempre kailangan 'yung momentum dire-dirteso. Tapos para, kumbaga, 'yung ano ng kalaban, mas madali 'yung… kasi kapag naghinto ka nang 'yung momentum mo nandiyan na tapos mag-stop ka… so parang 'yung recovery ng kalaban mas madali. JS: Chieffy, pasensya ka na ha, gusto ko lang matanong, paano ka nga ba naging Chieffy? Ano ang totoo mong first name? Bakit ka natawag na Chieffy? Chieffy Caligdong: Kasi dun sa grandfather ko dati, chief of police 1982 sa hometown ko, sa Barotac, Nuevo. JS: Kung saan football ang talagang laro, 'diba? Chieffy Caligdong: Opo, kaya Chieffy. JS: Chieffy, kung hindi ako nagkakamali, hindi ito ang unang pagkakataon na ikaw 'yung unang naka-score. 'Yung mga previous games niyo, ikaw rin 'yung alam ko isa sa mga nauunang nakaka-goal eh. Chieffy Caligdong: Siyempre, kailangan ko ipakita sa team na kung ano 'yung ma-i-contribute ko na mas maganda 'yung ipakita ko sa kanila na, pakita natin na tayong pure-blooded Pinoy na makasabay sa mga European players. JS: Chieffy, ano ba ang tantiya niyo? Kasi mukhang sinasabi namin ngayon sa media na inilampaso, parang minani niyo 'yung laban. Tama ba, hindi kayo at all nahirapan? Although bago nito medyo mababa naman talaga ang ranking ng Sri Lanka, diba? Pero sa totoo lang, maning-mani ba ito para sa inyo? Chieffy Caligdong: Hindi kasi 'yung pumunta dito ng Sri Lanka, gusto rin manalo eh. Way back 1996, natalo tayo ng Sri Lanka, 3-0, so ito na yung bago ng football team. Ipakita natin sa kanila na hindi na nila uulitin. JS: Hindi rin kayo nakampante kahit meron kayong home court advantage at ang daming nag-cheer at nag-boost ng inyong morale dahil dito ginanap ang laban? Chieffy Caligdong: Syempre, nakaka-high morale palagi kapag, malaking bagay 'yung home court advantage. Mas maganda pag nasa harap ka ng kababayan mo naglalaro ka, hindi ka napapagod. Tapos yung tunay mo talaga na laro, lalabas. Saka 'yung diperensya 'yung naglaro kami sa first game, hindi siya masyadong maganda, 'yung mga security. Tapos galing kami sa malamig na lugar, sa Germany, tapos pupunta kami sa sobrang init. So mahirap mag-adjust sa ganung bagay. JS: Itong susunod niyong makakasagupa, itong mga taga-Kuwait, ano ang initial information? I’m sure nakita niyo na rin sila maglaro 'no? Ano ba ito, mga malalaki, malalaki katawan, matatangkad, anong assessment niyo sa kanila? Chieffy Caligdong: Syempre inaamin namin na 'yung Kuwait matindi, hindi siya biro na kalaban at sa 100, second siya 'yung world ranking nila sa world ranking. So gagawin lang namin tapos paghahandaan namin kaya pupunta tayo ng Bahrain para maiayos 'yung kung saan kami mahina at saan kami pwedeng lumakas. JS: Sabi nila kailangan daw pagbutihin niyo pa ang inyong depensa, sang-ayon ka ba don sa sinabing yon, Chieffy? Chieffy Caligdong: Siyempre 'yun nga sinasabi nila, paangat pa lang 'yung Philippine football tapos syempre kailangan natin mag-practice talaga, mag-practice talaga ng husto. JS: Chieffy, pasensya ka na ha pero may mabilis na reaksyon na natanggap kami matapos mong sabihin 'yung about being pure Filipino, noh. Parang meron daw yatang namumuong alitan ba sa Azkals between 'yung mga true, yung mga 100% ng dugo na Pilipino at 'yung mga hindi? Chieffy Caligdong: Meron lang konting nagka-problema, pero naayos naman saka madali namang pag-usapan 'yun. Basta nag team meeting kami sa manager namin, kay Sir Dan Palami. So 'yung mga problema na yun, mga konting bagay lang so siguro hindi lang nag-kaintindihan. JS: So, naayos? Chieffy Caligdong: Naayos na po. JS: Pwede bang matanong kung ano 'yung hindi niyo pinag-kasunduan na… ano ba ito, sa strategy sa laro o medyo personal kaya na bring up pati kung puro ka o hindi? May mga ganoong dynamics ba sa inyong team, Chieffy? Chieffy Caligdong: Ay hindi po. About sa personalidad ng mga isang, kasi ako rin ayaw ko rin kasi pabayaan yung mga local players kasi dati din tagal ko na sa team, ako na 'yung senior team. So hindi dapat na mapakumbaba palagi yung Pinoy. JS: Pero sa ngayon, naayos niyo na? Chieffy Caligdong: Opo, naayos na po. JS: Okay. Chieffy, baka gusto mong batiin yung, alam ko ikaw ay isa sa mga pride ng Barotac, Nuevo 'diba sa Iloilo. Baka gusto mong batiin 'yung iyong mga kababayan sa Iloilo? Chieffy Caligdong: Unang una, pasasalamatan ko po yung Philippine air force, yung commanding general namin sa Philippine air force si Lt. Gen. Oscar H. Ravena. Sir, good evening. Thank you po sa lahat ng suporta at sa air force family, salamat po. At sa lahat sa mga taga-Barotac, maayong gab-i. Salamat sa pagsuporta sa amon. Ang hampang ko nga hindi lang para sa akon kundi para sa inyong tanan. JS: Maraming salamat, Chieffy Caligdong. Congratulations uli sa iyo. Chieffy Caligdong: Thank you po, Ma’am. Thank you po. JS: Sa kauna-unahang goal na naging buena mano sa laro ninyo kahapon kontra Sri Lanka. Good luck doon sa inyong laro sa Kuwait.