Filtered By: Showbiz
Showbiz

Boxing icon Manny Pacquiao ‘nagpatikim’ sa Quezon City


Nagpatikim si Boxing champ at Sarangani Rep Manny Pacquiao ng pamimigay ng regalo at cash sa mga residente ng Quezon City para sa bago niyang show sa GMA 7 na Manny Many Prizes. Nagmistula raw ninong si Manny sa mga taong sumali sa isinagawang motorcade ng bagong show ‘MMP’ sa Quezon City, ayon sa ulat ni showbiz reporter Lhar Santiago. “Patikim pa lang sa kanila yung pamimigay natin na ‘yon ng mga cash. At hindi lang ‘yon pag-start natin ng first episode ngayong July 16, marami tayong ipamimigay," pahayag ni Manny sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Miyerkules.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinabi ng tinaguriang pambansang kamao ng Pilipinas na espesyal para sa kanya Manny Many Prizes dahil gusto talaga niyang makatulong sa mga mahihirap na nais makabangon sa buhay. “Yung inannounce ko na laban against poverty ito po ‘yon Manny Many Prizes. At masaya ako at mangyayari na ang pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan," dagdag niya. Noong isang taon pa napag-usapan ng GMA Network at ni Manny ang konsepto ng show. Gusto raw ni Manny ang naging format dahil makatutulong siya sa mga tao kahit manggaling pa sa sarili niyang bulsa ang ipamimigay na premyo. Hindi naman kaya makaapekto sa kanyang trabaho sa Kongreso at paghahanda sa laban ang bago niyang show? “Time management lang dito sa show. Kailangan ako talaga ang nandito sa show na ito dahil mismo ang mamimigay ng cash prizes and also the house and lot," paliwanag ni Manny. Makakasama ni Manny sa Manny Many Prizes sina Rhian Ramos, Isabelle Daza, Paolo Contis, Gladys Guevarra, at Onyok Velasco. – FRJimenez, GMA News