Filtered By: Topstories
News

Dambuhalang ‘men in briefs' billboards sa EDSA, binaklas


"Men In Briefs". Ang sexy billboards ng national rugby team Philippine Volcanoes. -- Courtesy of Bench
Inalis ang tatlong dambuhalang billboard sa EDSA na nasa bahagi ng Mandaluyong kung saan ipinapakita ang ilang manlalaro ng national rugby team na Philippine Volcanoes na brief lang ang saplot sa katawan. Sa State of the Nation ng GMA News TV 11 nitong Huwebes, iniulat ni GMA News reporter Claire Delfin, na dakong 4:00 p.m. nang huling masilayan ng publiko ang naturang mga billboard. Mismong si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang humiling sa mga namamahala sa billboards na alisin ang mga ito matapos siyang makatanggap umano ng mga reklamo. Kabilang sa nagreklamo si Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian na nagsabi sa isang text message kay Abalos, na tinatakpan niya ang mata ng kanyang mga pamangkin kapag dumadaan sa EDSA, Guadalupe Bridge kung saan makikita ang magkahilerang mga billboard. “I’m a very liberal person pero once may mga reklamong ganito dapat aksyunan agad… I approached them and sinabi ko nga na baka kung maaari lang reviewhin n’yo at kung makikita n’yo at mapapansin n’yo, tanggalin n’yo na," pahayag ni Abalos.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nanghihinayang naman umano sa pagkakaalis ng mga billboard ang pangulo ng Philippine Football-Rugby Union na si Alvin San Diego. Ayon kay San Diego, ang mga billboard ay bahagi umano ng kanilang ad campaign para maipakikilala sa mga Pilipino ang sport na rugby. Samantala, magkakaiba at hati naman ang pananaw ng mga taong dumadaan sa EDSA at nakakita sa billboard ng mga modelong naka-brief lang. – FRJimenez, GMA News