Filtered By: Topstories
News

Matapos ni Anne Curtis: Mar Roxas nag-MRT para makita ang sitwasyon ng mga pasahero


MANILA - Naranasan mismo ng bagong kalihim ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na si Sec Mar Roxas ang kalbaryo ng mga pasaherong tumatangkilik sa MRT at LRT. Nitong Biyernes ng umaga, kabilang si Roxas sa mga nakipagsiksikan sa mga pasahero ng MRT sa rush-hour para personal umanong makita ang sitwasyon ng mga pasahero at ng naturang uri ng transportasyon. Sa ulat ni GMA News reporter Raffy Tima sa late night news Saksi nitong Biyernes, ipinakita nito ang larawan ni Roxas habang nakatayo at nakakapit sa estribo ng MRT, mula sa Twitter account ni Gossipinoy.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV “Tinangnan nga natin at tinanong natin, usually daw two to three times a week nagkakaaberya ang MRT at ang LRT. So tinanong naman natin sa engineering ng kinauukulang mga ahensiya, sabi nila overloaded," pahayag ni Roxas. Dahil sa kanyang personal na karanasan sa naging biyahe, sinabi ng kalihim na hindi na siya nagtataka kung marami ang nagrereklamo na laging nasisiraan ang MRT at LRT. Isa sa nakikitang solusyon ni Roxas ay dagdagan ang bagon o tren pero kapalit nito ay pagtaas ng singil sa pamasahe. “Ang solusyon talaga rito ay additional na mga sasakyan at kabahagi ‘yan ng mga inaanalyst natin ngayon kung paano natin mapi-finance ‘yan," dagdag niya. Matagal nang makaamba ang dagdag na singil sa pamasahe sa MRT at LRT mula ang maluklok sa puwesto si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, dahil sa malaking halaga na pinapasan ng gobyerno sa pag-subsidize sa pamasahe rito. (Basahin: Pamasahe sa MRT at LRT, ‘di tataas sa pasukan, pero…) Kamakailan lang ay naging sentro ng talakayan sa Twitter world ang pag-upload ng aktres na si Anne Curtis ng kanyang larawan sa pagsakay niya sa MRT para makahabol sa concert ni Kylie Monogue. -- FRJ, GMA News