Filtered By: Topstories
News

PNoy ‘di raw dapat magmistulang ‘Ponsyo Pilato’ sa usapin ng Hacienda Luisita


MANILA – Hindi umano dapat magmistulang "Ponsyo Pilato" si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa usapin ng Hacienda Luisita sa Tarlac, ayon sa isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. Ayon kay Fr. Edwin Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, kahit isinuko na ni Aquino ang kanyang bahagi sa hacienda, mga kamag-anak pa rin niya ang sangkot sa kontrobersiyal na lupain. Kaya dapat umanong hikayatin ni Aquino ang kanyang mga kamag-anak na gawin kung ano ang tama sa usapin ng hacienda na matagal ng sakop ng repormang agraryo at dapat ipamahagi sa mga magsasaka ang bahagi ng lupain. “(Aquino) is not only the president; he is also a Cojuangco (may-ari ng hacienda). He should ask his relatives to do what is right," pahayag ni Gariguez sa artikulong lumabas sa website ng Union of Catholic Asian News. Si Aquino ay anak ni dating pangulong Corazon Cojuangco-Aquino, miyembro Cojuangco clan na nagma-may-ari ng hacienda. Una rito, iginiit ng Malacañang na isinuko na ni Aquino ang kanyang mga sapi sa Hacienda Luisita. Kamakailan ay nagpalabas ng desisyon ang Korte Suprema na nag-aatas sa Department of Agrarian Reform na muling magsagawa ng referendum sa mga magsasakang benepisaryo ng agrarian reform program. Pagbobotohan sa referendum kung nais ng mga magsasaka na makuha ang mismong lupa o bahagi na lamang ng stocks para sa pamamahala ng hacienda. Ngunit ang naturang desisyon ng SC ay binatikos ng ilang magsasaka at militanteng grupo dahil nabalewala umano nito ang naunang resulta ng referendum kung saan ibinasura ng mga benepisaryo ang pamimigay ng stocks. (Basahin: Corona: Genuine agrarian reform means giving lands) Hindi pa panahon Samantala, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte nitong Sabado na hindi pa panahon para “manghimasok" si Aquino sa usapin ng hacienda. “As of now, [the Palace] cannot [be involved] completely because the Office of the Solicitor General and the Department of Agrarian Reform are formulating what the next step will be. Until that time, wala tayong maisasagot," pahayag ni Valte sa panayam ng dzRB radio. Idinagdag pa niya na anuman ang maging pahayag ni Aquino ngayon ay maaaring magdulot ng ibang pakahulugan dahil sangkot sa usapin ang mga kamag-anak ng pangulo. “While the President has divested his share in Hacienda Luisita and Tarlac Development Corp., his family members are still involved," ayon sa opisyal. - GMA News