Filtered By: Topstories
News

Resulta ng imbestigasyon ng DILG kay Mayor Duterte, ibibigay kay PNoy ngayong linggo


MANILA – Inaasahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na maibibigay nila kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ngayong linggo ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa ginawang pananapak ni Davao City Mayor Sara Duterte sa court sheriff ng nabanggit na lungsod. "Hopefully within the week we can forward our report to the President with our corresponding recommendations," pahayag sa media ni DILG Secretary Jesse Robredo nitong Martes sa pulong balitaan sa Quezon City. Noong nakaraang linggo, isang grupo ng mga abogado ng DILG ang nagtungo sa Davao City para imbestigahan ang pagsuntok ni Duterta kay Sheriff Abe Andres ng Davao Regional Trial Court Branch 16. Naganap ang pagsuntok ni Duterte kay Andres noong July 1 matapos ang magulong demolisyon ng ilang bahay sa Agdao district sa Davao City. Ayon kay Robredo, dalawang ulit nagtungo ang DILG team sa Davao City para mangalap ng testimonya kaugnay sa nangyaring insidente na nakunan ng video. "[The] team of DILG lawyers went back to Davao City last Thursday to interview and get statements of other witnesses in order to come up with a more comprehensive report on Duterte's possible liability for punching a court sheriff," paliwanag ng kalihim. Sinabi ni Duterte na wala pa siyang natatanggap na pormal na reklamo mula kay Andres o sa ibang grupo laban kay Duterte kaugnay ng nangyaring pananapak ng alkalde. Nilinaw ni Robredo na hindi maaaring sila mismo ang magsampa ng reklamo kay Duterte dahil hindi sila maaaring maging “complainant" at kasabay naman nito ay magsisiyasat sa reklamo. Gayunman, naghain ang Sheriffs Confederation of the Philippines (Scophil) ng reklamo laban kay Duterte sa Office of the Ombudsman. Sinabi ni Duterte na maglalagay sila ng rekomendasyon sa isusumiteng ulat kay Aquino tungkol sa kaso ni Duterte. Nauna nang inihayag ni Andres na wala siyang balak maghain ng reklamo laban kay Duterte. – GMA News
Tags: saraduterte