Filtered By: Topstories
News

Alvarez, Customs commissioner pa rin


MANILA – Hanggat walang ibang itinatalaga, sinabi ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na mananatiling pinuno ng Bureau of Customs (BOC) si Angelito Alvarez. “I haven’t appointed anybody. He [Alvarez] is there, right now," paliwanag ng pangulo sa isinagawang press briefing sa Capiz nitong Martes. Ginawa ni Aquino ang pahayag bunga ng mga naglalabasang espekulasyon na itatalaga ni Aquino bilang bagong BOC chief si Elizabeth Lee, dating presidente ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. at chief operating officer ng Universal Motors Corp. Lalong lumakas ang ugong na papalitan si Alvarez ni Lee nang magbitiw ang huli sa kanyang mga posisyon noong nakaraang buwan. Ngunit ayon kay Finance Secretary Cesar Purisima, mananatili si Alvarez bilang pinuno ng Customs. Samantala, hindi pa umano nakikita ni Aquino ang listahan ng mga inirekomenda ni Secretary Manuel Roxas II para makasama niya sa pamumunuang Department of Transportation and Communications (DOTC). “I understand it will be on my desk this afternoon," ayon sa pangulo. — GMA News