Filtered By: Topstories
News

PCSO chief, nasermonan sa Senado; Bansag na ‘Pajero Bishops,’ binira


MANILA – Humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Miyerkules ang ilang obispo ng Simbahang Katoliko na tumanggap umano ng mamahaling sasakyan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Sa naturang pagdinig, inusisa ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si PCSO chairperson Margarita Juico kung bakit lumabas sa media ang ulat na Mitsubishi Pajeros ang naibigay sa mga obispo samantalang hindi naman totoo. "Who came out with that false report that the bishops were receiving Pajeros? Mrs. Juico, this is a very crucial question kasi the bishops are now being put into bad light. Kawawa naman sila," ayon kay Estrada. Idinagdag naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na nakalista ang mga uri ng sasakyan na ibinigay sa mga alagad ng Simbahan kaya hindi dapat nagkamali ang PCSO sa pagbibigay ng impormasyon sa media. "They were unfairly accused of receiving expensive vehicles which was rather incorrect," pahayag ni Enrile sa media pagkatapos ng pagdinig. Una rito, sinabi ni PCSO director Atty. Aleta Tolentino na batay sa ulat ng Commission Audit (COA), P6.9 milyon ng pondo ng PCSO noong nakaraang administrasyon ang ipinambili ng sasakyan para sa mga obispo sa Archdiocese ng Cotabato, Zamboanga, Caritas Nueva Segovia, Basilan, at Butuan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa naturang pagdinig nitong Miyerkules, lumitaw na ilan sa mga sasakyan na nakuha ng mga obispo ay segunda-mano at walang Pajero. Nagdesisyon na rin ang mga Obispo na isauli ang mga sasakyan sa bagong liderato ng PCSO. Ito ay sa kabila ng mungkahi ni Sen Tito Sotto na huwag isauli ang mga sasakyan dahil nagagamit naman ng Simbahan sa mga kawang-gawa. Hindi naman maipaliwanag ni Juico kung papaano lumabas ang ulat na Pajero ang nakuha ng mga obispo kaya lumutang ang bansag na “Pajero Bishop." "All we had was the COA report. We never said Pajero... somebody said it was Pajero. It was I think an information that was given by one of the managers in the PCSO when they said utility vehicles were given to bishops," ayon sa opisyal. "I really don't know how that happened." Naniniwala naman si PCSO general manager Jose Ferdinand Rojas na na-misquote lamang si Juico. "Rest assured our bishops that it did not come from anyone of us that the Pajeros were given to you... we seek your indulgence but we have never mentioned the word Pajeros," saad ni Rojas. Ngunit hindi kuntento si Estrada sa naturang paliwanag. "Our bishops are being put in a very, very bad situation, and as a devout Catholic it pains me to hear that our bishops are involved in anomalies here in our country," anang senador. Cover-up sa mas malaking anomalya? Hinihinala naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na nagamit ang mga Obispo para mapagtakpan ang mas malaking anomalya sa paggamit ng pondo ng PCSO kaya pinalutang ang “Pajero Bishops." Sa kanyang manipestasyon sa pagdinig ng Blue ribbon committee, iginiit ni Santiago na kailangang amyendahan ang Charter ng PCSO, maging Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), para masubaybayang mabuti ang paggamit nila ng pondo. Pinuna rin ni Santiago ang iba pang kapalpakan umano sa pamamahala at paggamit ng pondo ng PCSO pati ang pagdeposito ng P1.5 bilyon sa isang pribadong bangko. Nais din ng senador na bawasan ang burukrasya ng PCSO na nagiging dahilan umano ng anomalya sa ahensiya sa pagbibigay ng tulong medikal at paghahatid ng tulong sa publiko. - GMA News