Filtered by: Topstories
News

Zubiri, iginiit na walang kinalaman kung nagkadayaan man noong 2007 elections


MANILA – Iginiit ni Sen. Juan Miguel Zubiri na wala siyang kinalaman kung may naganap man na dayaan noong 2007 elections sa lalawigan ng Maguindanao gaya ng isiniwalat ng suspindidong gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Zaldy Ampatuan. Ayon sa senador, kahit kailan ay hindi siya nandaya sa lahat ng halalan na kanyang sinalihan. Pabor din siya na imbestigahan ang isiniwalat ni Ampatuan. “We will never condone it. Hindi po namin gawain ‘yan. Kung may gumawa n’yan dapat parusahan," pahayag ni Zubiri nitong Miyerkules. Una rito, sinabi ni Ampatuan na inutusan umano ni dating First Gentleman Jose Miguel “Mike" Arroyo, ang kanyang ama na si dating Maguindanao Gov Andal Ampatuan Sr., na ipapanalo ang noo’y kandidato na si Zubiri. Kasama rin umano sa utos ng mga Arroyo na i-zero sa boto ang iba pang mga kandidatong senador na kritiko ng Arroyo administration na sina (Pangulong) Benigno “Noynoy" Aquino III , (Sen) Alan Peter Cayetano at (Sen) Panfilo Lacson.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa kabila ng ginawa umanong “operasyon" ng mga boto sa Maguindanao, nanalo pa rin sina Aquino, Cayetano at Lacson. Nagwagi si Zubiri na nakahabol sa ika-12 at huling puwesto. Ang panalo ni Zubiri ay iprinotesta (at nananatiling nakabinbin) sa Senate Electoral Tribunal ni dating senatorial candidate Atty Aquilino “Koko" Pimentel III, na bumagsak sa nasa-13 puwesto sa naturang halalan. Bagaman lumitaw sa isinagawang recount ng mga boto ng SET na nanalo si Pimentel, hindi pa rin ito nakaupo dahil sa inihaing mosyon ni Zubiri na rebisahin ang iba pang boto na kanyang tinukoy. Ayon kay Zubiri, wala nang kuwenta ang pagbubulgar ni Ampatuan dahil hindi na isinama sa recount ng SET ang botohan sa Maguindanao dahil sa protestang inihain ni Pimentel. Dahil dito, hinikayat ni Zubiri ang awtoridad partikular ang Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang ibinulgar ni Ampatuan at papanagutin ang mga lalabas na sangkot sa pandaraya. Kasabay nito, sinabi ni Zubiri na isisiwalat din niya ang sistema ng “dagdag-bawas" sa Kamaynilaan kung saan siya naman umano ang naging biktima. Samantala, kumbinsido naman si Pimentel na talagang nagkaroon ng dayaan sa Maguindanao at malaking bagay umano ang mga isiniwalat ni Ampatuan sa kanyang protesta laban kay Zubiri. - GMA News
LOADING CONTENT