Filtered By: Showbiz
Showbiz

Model na nasasangkot sa 'rape' rumors vs Azkals players, naghihinanakit


Nagpaunlak ng panayam ang freelance model na sinasabing “biktima" ng rape ng ilang manlalaro ng Philippine Azkals pero tumanggi siyang magsalita tungkol sa nasabing isyu.

Sa halip, naglabas ng sama ng loob ang babae dahil sa pagkakaalis niya sa isang big event ng isang sikat na men’s magazine kung saan regular model siya. Sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, inihayag ng modelo na posibleng may kinalaman ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa alegasyon ng “rape" laban sa apat na player ng Azkals kaya siya biglang inalis sa event ng men’s magazine. Tumanggi siya na pag-usapan ang mga lumalabas na ulat na siya ang sinasabing “biktima" ng rape dahil hindi pa umano alam ng kanyang mga kaanak ang pagkakadawit niya sa kontrobersiya. Una rito, itinanggi ng mga player ng Azkals na sina Jason Sabio, Anton del Rosario, Neil Etheridge, at Simon Greatwich, na sangkot sila sa panghahalay. Hanggang ngayon ay wala ring lumalantad na biktima, at opisyal na reklamo na inihahain laban sa mga Azkals player. Sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, tinawag ni Azkals manager Dan Palami ang "rape" rumors na, "unfortunate and unnecessary distractions." Naghahanda ang Azkals sa kanilang laban kontra Kuwait sa July 23 para sa qualifying round para sa World Cup. - FRJimenez, GMA News