Kinumpirma ng isang PAL employee sa Tom Bradley International Airport (Los Angeles International Airport, California) na hindi matutuloy ang pag-uwi sa Pilipinas ni Nora Aunor na nakatakda sa Huwebes (July 21). Ayon sa PAL employee na nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ipina-cancel ni Nora ang booking nito sa flight PR 730 ng PAL. Nitong Miyerkules, July 20 (July 19 sa U.S.), dapat ang alis ni Nora sa Los Angeles kaya inaabangan siya ng kanyang mga tagahanga sa departure area ng LAX. Hindi rin natuloy ang pagkuha ng local media ng permit sa Centennial Terminal 2 Airport dahil sa advice ng PAL management na hindi darating bukas ang aktres. Ikinalungkot ng fans ni Nora ang balita dahil excited na sila na makita nang personal ang kanilang idolo. Naniwala sila na magbabalik-bayan na ang aktres dahil ito mismo ang nagkumpirma sa mga interbyu na tuloy na ang pag-uwi niya sa Pilipinas para gawin ang pelikula na pagsasamahan nila ni Laguna Governor ER Ejercito, ang
El Presidente. Hindi naman ikinagulat ng iba ang biglaang desisyon ni Nora na huwag ituloy ang kanyang plano dahil sanay na sila sa mabilis na pagbabago ng isip ng award-winning actress. Noong Lunes, July 18, ay lumabas sa column ng batikang kolumnista na si Alfie Lorenzo sa Abante Tonite na darating daw si Nora sa Huwebes sakay ng PAL PR 103. Pero pinabulaanan naman ito ng malapit na kaibigan ni Nora na si German "Kuya Germs" Moreno sa kanyang radio program sa dzBB noon ding Lunes. Saad ng Master Showman, hindi raw matutuloy ang pag-uwi ni Nora sa July 21, ayon na rin sa text message sa kanya ng spokesperson at confidante ng aktres na si Albert Sunga. Pero isa namang report ang natanggap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Miyerkules, na tuloy na raw ang pagbabalik sa Pilipinas ng Superstar. Kinumpirma rin ito ng isang source na masugid na sumusubaybay sa kaganapan sa buhay ni Nora. Ngunit naninindigan si Kuya Germs sa kanyang naunang pahayag na hindi matutuloy ang pag-uwi ni Nora. Dinagsa kasi ng mga tawag ang veteran TV and radio host sa kanyang programa sa radyo na 'Walang Siesta' pagkatapos lumabas ng artikulo rito sa PEP, na nagsasaad na hindi pa sa Huwebes ang dating ng Superstar. Katulad ng naunang pahayag ni Kuya Germs, muli nitong sinabi na kumpirmadong hindi darating si Ate Guy. "Sa mga nagsasabing darating si Guy sa July 21 at nagsasabing sakay na siya ng eroplano [PAL PR 103] , hindi ito totoo dahil katulad ng sabi ko kahapon, hindi siya makakauwi. "Sa lahat ng mga nagti-text sa akin, inuulit ko, hindi uuwi ang nag-iisang Superstar sa Pilipinas sa Thursday katulad ng tinext niya. "Pero kung gusto n'yo pa ring magbakasakaling darating nga sa Huwebes si Guy, e, wala na akong magagawa. Mauna na kayong sunduin siya sa airport." Dahil sa dami ng nangungulit kay Kuya Germs kung totoong nakasakay na ng eroplano si Nora ay tinawagan nito ang isang malapit na kaibigan ng aktres na si Suzette Ranillo. Si Suzette ang kasamang nakikipag-negotiate kay Kuya Germs sa posibleng projects ni Nora pagdating niya sa bansa. Kuwento ni Kuya Germs, "At dahil marami talaga ang nagsasabing darating si Guy at ipinakita pa daw yung despidida party nito sa isang palabas... Baka yung ipinakita nila, footage lang yun ng isang party na dinaluhan ni Guy matagal na matagal na. "At para maliwanagan tayo kung tuloy ngang nakasakay ng eroplano si Ate Guy pauwi dito sa Pilipinas, katulad ng sinasabi nila, tinawagan ko si Suzette para alamin kung nakasakay nga si Guy sa eroplano. "Pero nakausap ni Suzette si Guy na nasa bahay lang. Kasi kung nakasakay si Guy sa eroplano, di dapat hindi siya makakausap. "Ang ibig sabihin nun, hindi talaga siya tuloy. "Pero kung ipipilit pa rin nila na nakasakay ng eroplano si Guy at padating na sa Thursday, e, hintayin na lang natin." Dagdag niya, "Kung dumating si Guy sa araw at oras na sinabi nila, panalo sila. Ibig sabihin, hindi nagsasabi sa amin ng totoo si Guy. "Pero kung hindi siya dumating, hintayin na lang natin ang pagdating niya. "Tapos, pag hindi dumating si Guy, si Guy na naman ang sisisihin, e, ibang tao naman ang nag-a-announce na darating siya, si Guy na naman ang masama. "Mas maganda kasi na hintayin na lang talaga natin na nasa Pilipinas na siya bago natin sabihing confirmed na nasa bansa na si Guy. "Katulad ngayon, may ibang date na nababanggit si Guy ng pag-uwi niya na mas maaga sa first week ng August, if ever na hindi niya itutuloy ang natanguang show sa Amerika. Pero hindi pa sure yun dahil marahil kakausapin pa niya yung organizer ng show. "Pero ayokong sabihin kung kailan, kasi baka marami na naman ang mag-expect na tuloy na tuloy na, na darating si Guy. "Mahirap magsabi ng date. Mas magandang i-announce sa lahat na darating na siya kung sinabi niya sa aking nakasakay na siya ng eroplano. Yun, sure na sure yun na darating na siya. "Basta as far as I'm concerned, at katulad ng text sa akin at sa pag-uusap namin ni Suzette, hindi darating si Guy sa Thursday. "Dahil noong sinasabi nila na nakasakay na ng eroplano si Guy ay nandun pa siya sa bahay niya sa L.A." --
Jojo Gabinete/John Fontanilla, PEP