Filtered By: Topstories
News

Transport strike ng Piston, sinimulan sa Southern Luzon


Sinimulan nitong Miyerkules ng umaga ang transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON), sa Southern Luzon bilang protesta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Sa panayam ng dzBB radio nitong Miyerkules, sinabi ni George San Mateo, secretary general ng Piston, na kasama rin sa ipinoprotesta ng kanilang grupo ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin at pagtaas ng singil sa toll sa South Luzon Expressway. Panimula rin umano ang transport strike sa Southern Luzon para sa mas malalaking pagkilos na gagawin sa araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa July 25 sa Batasan Pambansa sa Quezon City. "Ang transport strike ay may kinalaman sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pagtaas ng toll sa SLEX at ibang bilihin. At ito ay buildup activity ng ating mga kababayan at kasama sa Southern Tagalog para sa malaking People's SONA sa July 25," ayon kay San Mateo. Sa tinatawag na People’s SONA, sinabi ng lider ng Piston na ipapahayag nila ang kanilang saloobin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at bilihin, samantalang walang pagbago sa sahod ng mga manggagawa sa ilalim ng pamahalaan ni Aquino. Ang kilos protesta ng mga kasapi ng Piston sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Batangas, at Quezon, ay nagsimula dakong 5 a.m. at inaasahang magtatapos pagsapit ng 5 p.m. Ayon kay San Mateo, tinatayang aabot sa 10,000 ang kanilang miyembro sa Southern Luzon area. Dakong 8 a.m., sinabi ni Laguna police chief Senior Superintendent Gilbert Cruz na hindi naparalisa ng kilos protesta ng Piston ang daloy ng public transport sa Laguna. Nagpahiwatig naman si San Mateo na magsasagawa rin ng kilos protesta ang kanilang grupo sa Metro Manila sa darating na mga buwan. -- GMA News