Filtered By: Topstories
News

'Saudization' program sa KSA, hindi raw dapat pangambahan ng mga OFW


JEDDAH – Inihayag ng isang opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Gitnang Silangan na hindi dapat pangambahan ng mga overseas Filipino worker (OFW) ang nakaumang na “Saudization" program sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA). Sa panayam kamakailan kay Ambassador designate Ezzedin Tago, ipinaliwanag nito na ang programang “Saudization" o Nitaqat ay hindi laban sa mga dayuhang manggagawa kabilang ang mga Pilipino. Ang Nitaqat ay nakatuon umano para mamonitor kung ano ang mga kumpanya na hindi sumusunod sa itatakdang bilang ng pamahalaan ng kanilang mga kababayan na dapat nagtatrabaho sa mga kumpanya. Idinagdag ng opisyal na dahil hindi naman pauuwiin kaagad ang mga dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa kumpanyang na makikitang hindi tumatalima sa naturang programa. Sa ilalim ng programa, magkakaroon ng tatlong kategorya (red, green at yellow) sa mga kumpanya na magiging marka kung sumusunod ang mga kumpanya sa programang Saudization. Ang kumpanya na nasa green category ay indikasyon na tumutugon ito sa programa na magbigay ng trabaho sa kanilang mga kababayan. Dahil dito, ang kumpanya ay maaaring mabigyan ng mga benepisyo. Ilan sa mga benepisyong ito ay mas mabilisang na pagbibigay ng mga working visa para sa kanilang mga dayuhang manggagawa. Bibigyan din sila ng karapatang kumuha ng mga dayuhang empleyado mula sa mga kumpanya hindi susunod sa programa. Kung ang kumpanya naman ay nasa yellow category, bibigyan ito ng siyam na buwan ng pamahalaan ng KSA para magdagdag ng manggagawa mula sa kanilang kababayan. Anim na buwan na palugid naman ang ibibigay sa mga kumpanya na nasa red category upang kumuha ng mga empleyado na Saudi national. Sakaling hindi sila makatugon sa utos ng pamahalaan sa itinakdang buwan, mahaharap sa parusa ang mga kumpanya. Kabilang sa parusa ay hindi na pagre-renew sa working visa ng kanilang mga dayuhang manggagawa. Gayunman, ang mga OFW na maaaring maapektuhan sa red at yellow category ay maaari namang makalipat sa mga kumpanya na nakakapasok sa green categorya. Ayon kay Tago, dapat maunawaan ng mga OFW sa KSA na iba ang Saudization program sa ipinatupad na ban ng KSA sa pagkuha ng mga domestic helper. Gayunman, pinayuhan pa rin ng opisyal ang mga OFW na mag-ipon at maghanda sa kinabukasan dahil wala naman permanente sa mundo. “Mas maganda ho na dapat tayong laging handa mag ipon po tayo habang tayo ay naririto at nagtatrabaho dahil darating din ang araw na tayo ay muling babalik sa ating bansa," payon niya. Dahil sa kalituhan at kakulangan ng impormasyon tungkol sa Saudization o Nitaqat, marami sa mga OFW sa KSA ang nangamba sa kanilang kalagayan ngayon bilang manggagawa sa nabanggit na bansa. Isa sa mga nangamba ay si Eric Delos Reyes, tubong Olongapo City, at 18-taon nang nagtatrabaho sa isang malaking kumpanya sa Jeddah bilang graphics designer at technician. Sinabi niya na wala siyang balak umuwi pa sa Pilipinas dahil iginagapang pa niya ang pag-aaral sa kolehiyo ng nag-iisa niyang anak. -- Ronaldo Z. Concha, GMA News

Tags: ofws, saudization