Filtered By: Topstories
News

Programa ni Aquino sa mga OFW, hiniling ilatag sa SONA


MANILA – Nanawagan ang isang mambabatas kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na bigyan ng importansiya sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang kalagayan ng mga overseas Filipino worker (OFW). Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Gabriela Party-list Rep Luz Ilagan, na nais niyang malaman sa ikalawang SONA ni Aquino sa Lunes kung ano ang mga gagawing programa ng gobyerno para pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW. Sinabi ng kongresista na maraming OFWs ngayon ang nagigipit sa iba’t ibang parte ng mundo na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan ng Pilipinas. “We have around 10 million OFWs all contributing to uplift our ailing economy, thousands of them are in distress. The least that this government should do is ensure that services, protection and assistance due them and their families are adequately provided," pahayag ni Ilagan. Nais din malaman ni Ilagan kung ano ang plano ng gobyerno para matulungan ang 122 OFWs na nasa death row, 7,000 OFWs na nakapiit sa iba’t ibang bansa, at tinatayang 20,000 stranded OFWs na naghihintay na pauwiin sa bansa. Sa kabila ng mabilis na pagtaas ng singil sa transaksiyon ng mga OFW, sinabi ng kongresista na mabagal naman ang aksiyon sa pagtulong sa mga nagigipit na migranteng manggagawa. Pinuna rin ni Ilagan ang malaking pagkaltas na ginawa ng Aquino administration sa Legal Assistance Fund at Assistance to Nationals ngayong 2011. Mula sa dating P200 milyon ay binawasan umano ito ng Department of Budget and Management sa P109 milyon. Sa nagaganap na krisis sa mga bansang maraming OFWs katulad sa Middle East, sinabi ng mambabatas na dapat paghandaan ng Aquino government ang pag-uwi ng maraming OFWs na mangangailangan ng trabaho sa Pilipinas. Iginiit ni Ilagan na mahalagang magkaroon ng mahusay na programa ang pamahalaan para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa na magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. Sa ganitong paraan ay matitigil na rin ang pakikipagsapalaran ng mga Pinoy ibang bansa. - GMA News