Filtered By: Topstories
News

May-ari ng bus na nahulog sa Skyway, pagpapaliwanagin ng LTFRB


MANILA – Sinuspindi na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa loob ng isang buwan ang prangkisa ng kumpanya ng bus na nahulog sa Skyway, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa katao. Nitong Martes, sinabi ni Atty Manuel Iway, miyembro ng LTFRB board, na bahagi ng standard operating procedure ang pagsuspindi sa prangkisa ng mga pampublikong sasakyan na nasasangkot sa aksidente lalo na kung may nasasawi. Pagpapaliwanagin din ng LTFRB ang may-ari ng “Dimple Star" bus company kung bakit hindi dapat kanselahin ng tuluyan ang kanilang prangkisa matapos ang malagim na sakuna nitong Lunes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nasawi sa aksidente ang drayber ng bus na si Joven Justo at isang pasahero. Samantala, sugatan naman ang iba pang pasahero. Naganap ang aksidente sa bahagi ng Marcelo Green Village sa Parañaque City. Sa paunang imbestigasyon, galing sa Maynila ang bus na may body number 7511 at patungo sa Alabang nang mawalan ng kontrol ang drayber sa manibela at tuluyang mahulog sa Skyway. "Sabi po ng conductor may malakas daw po na hangin at di na raw na-control yung manibela," ayon kay Nilda Napat, finance manager ng bus firm. Sinabi naman ni Ed Nepomuceno, spokesperson ng Skyway Corp., na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring sakuna. Ang madulas na kalsada ang isa sa mga pinapaniwalaang dahilan ni Nepomuceno kaya nangyari ang trahedya. -- GMA News