Filtered By: Topstories
News

PNoy, pinapaharap sa mga obispo kapag nagkaroon muli ng pag-uusap sa RH bill


MANILA – Malabo umanong makipag-usap muli ang mga obispo ng Simbahang Katoliko sa pamahalaan tungkol sa reproductive health bill kung patuloy na papabor si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa kontrobersiyal na panukalang batas. Ayon kay retired Cebu Archbishop Ricardo Cardinal Vidal, nagpasya ang liderato ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), na itigil noon ang pakikipag-usap sa kinatawan ng pamahalaan dahil sa pagdeklara ni Aquino ng suporta sa RH bill. Sa panayam ng radio Veritas nitong Miyerkules, sinabi ni Vidal na wala nang saysay na mag-usap pa tungkol sa kontrobersiyal na panukala kung may paninindigan na si Aquino tungkol sa naturang usapin. Gayunman, hindi umano sila makatatanggi kung mismong ang Palasyo ang mag-iimbita sa kanila para magpatuloy ang pagpupulong.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kung magkaroon man ng muling pag-uusap, sinabi ni Malolos Bishop Jose Oliveros, chairman Episcopal Commission on Bioethics ng CBCP, na dapat mismong si Aquino ang humarap sa mga obispo. Puna nito, si presidential spokesman Edwin Lacierda lang umano ang humarap sa mga obispo noong panahon na nagkaroon ng talakayan tungkol sa RH bill. “Sila Lacierda lang ang humaharap, minor officials ang mga ito. Dapat siya (Aquino) ang humarap, alamin niya ang isyu," ayon kay Oliveros sa hiwalay na panayam ng radio Veritas. Sa kanyang talumpati sa SONA, pinasalamatan ni Aquino sina Vidal, Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales at Cebu Archbishop Jose Palma, dahil sa pakikipag-ugnayan umano ng mga ito sa kanya. Ito ay sa kabila ng kontrobersiyang kinaharap ng Simbahan tungkol sa mga sasakyang nakuha ng ilang obispo sa nakaraang liderato ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Ngunit hindi isinama ni Aquino sa mga tinalakay niya sa SONA ang usapin sa pag-apruba sa RH bill na nakabinbin ngayon sa Kongreso. Sa exclusive interview ni GMA News anchor Jessica Soho sa State of the Nation nitong Miyerkules, ipinaliwanag ni Aquino na sadyang hindi niya isinama sa talumpati ang RH bill para hindi na pag-initin ang mga kontra sa panukalang batas. - GMA News