Bunsod ng Bagyong Juaning, pagguho ng lupa, naganap sa ilang lugar sa Benguet
Ilang insidente ng landslide ang iniwan ng Bagyong Juaning sa Benguet. Isa ang Sitio Cadian, Brgy. Topdac, Atok, Benguet sa nakaranas ng pagguho ng lupa. Ang malaking bahagi ng lupa sa bundok na ito, bumigay pasado alas tres kahapon matapos lumambot ang lupa dulot ni Bagyong Juaning. Ayon sa mga residente, nagkaroon na ng mga maliliit na pagguho ng lupa simula noong unang linggo ng Hulyo. Napalala lang umano ito dahil sa epekto ni Bagyong Juaning. Mahigit apat na barangay ang apektado ng naturang pagguho. Kabilang dito ang mga barangay ng Topdac, Poblacion, Naguey at Pasdong. Ayon sa Punong Barangay ng Poblacion, Atok, Benguet "Malaking epekto dahil ang mga farmers, naantala. Pag natulog ang produkto nila ng isang gabi, bababa na ang presyo niyan. Pati na rin 'yung pag-uwi naaantala na rin". Ang ilang residente naman, buong tapang na tumatawid sa kalsada kahit balot pa ito ng makakapal na putik. Ayon sa kanila, nakakaramdam din sila ng nerbiyos at takot sa tuwing may nangyayaring landslide. Sa pamamagitan ng backhoe, mahigit dalawang oras tinanggal ang gumuhong lupa sa kalsada. Ito rin kasi ang tinatawag na Jose Mencio Road na may alternatibong daan mula naman sa bayan ng Kibungan. Tapos na ring nalinis ang naitalang landslide sa Acop-Kapangan-Kibungan Road. --Glamorfe L. Calicdan