Regine at Ogie Alcasid, may naiisip ng pangalan sa kanilang baby boy
Kahulugan ng “gift of God" ang naiisip daw na pangalan ng mag-asawang Regine Velasquez at Ogie Alcasid para sa kanilang magiging first baby. Herminio Alcasid, Jr. ang tunay na pangalan ni Ogie. Pero tila hindi magiging Herminio III ang magiging name ng ipinagbubuntis na baby boy ni Regine dahil may iba silang naiisip na pangalan para dito. “Mukhang nasa Nathaniel James kami. Parang… Nathaniel kasi means gift of God, yung naisip naming nickname is ‘Nake,’ parang ang pogi noh," masayang kuwento ni Ogie sa ulat ni Aubrey Carampel sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes. Pero paglilinaw ni Ogie, hindi pa ito final at puwede pang magbago.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Excited na nga raw si Ogie sa nalalapit na panganganak ni Regine at pinaplano na nila ang gagawing baby shower. Iba rin daw ang feeling niya ngayon dahil nababanggit niya ang katagang son. Nasanay daw kasi siya sa pagbanggit ng daughter dahil sa dalawa niyang anak na babae sa ex-wife niyang si Michelle Van Eimeren. Dahil sa nalalapit na panganganak ni Regine, ganado umano Ogie na magtrabaho. Bukod sa mga show niya sa GMA Network, abala rin siya sa mga activities bilang pangulo ng OPM o Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit. Nitong Huwebes, isang memorandum of understanding ang pinirmahan ni Ogie with other officials ng OPM at ni Sen Kiko Pangilinan. Ang kasunduan ay para sa isang proyekto ng OPM na naglalayong pasiglahin ang musikang Pinoy na nakatakdang gawin sa Oktubre. - FRJimenez, GMA News