Filtered By: Topstories
News

Mga Pinoy sa KSA, pinaalalahanan na irespeto ang Ramadan


JEDDAH – Kasabay ng pagsisimula ng banal na buwan ng Ramadan ng mga Muslim, naghahanda na rin ang mga Pilipinong manggagawa na nakikipagsapalaran sa Saudi Arabia. Ang Ramadan ay ginaganap sa loob ng isang buwan kunsaan ang mga kapatid na Muslim ay mag-aayuno. Bukod sa hindi pagkain at pag-inum ng tubig sa buong maghapon, ipinagbabawal din sa panahon ng Ramadan ang pakikipagtalik. Para sa mga overseas Filipino worker (OFW) sa KSA, ang buwan ng Ramadan ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon para madagdagan ang oras ng kanilang pahinga. Binabawasan kasi sa bansang ito ang oras ng trabaho para makapag-ukol ng panahon ang mga Muslim sa kanilang pananampalataya. Sa pagbubukas ng isang basketball tournament sa Jeddah – lugar na may pinakamaraming OFWs ang nagtitipon-tipon -- nagbahagi ang ilan sa kanila ng kanilang nadarama sa pagsisimula ng Ramadan. Ayon kay Mody Hulgado, mababawasan ng dalawang oras sa kanilang trabaho ngayong buwan ng Ramadan at magkakaroon sila ng dagdag na oras para makapagpahinga. Bagamat 18 taon na siya sa KSA, sinabi ni Hulgado na hindi pa rin masasabing sanay na siya dahil nakararamdam pa rin daw siya ng pangungulila sa pamilya. Excited naman ang baguhang OFW na si Michael Pagcalinawan (10 buwan pa lamang sa KSA) na salubungin ang Ramadan dahil ito ang unang pagkakataon niya na mararanasan ang banal na buwan sa mga Muslim. Maging mga tauhan ng konsulado ay naghahanda na rin sa Ramadan. Ayon kay Muhammad Mahmour S. Qassim, translator sa Philippine Overseas Labor Office (POEA), importante para sa kanilang mga Muslim ang Ramadan at kailangan nilang gawin ang pag-aayuno sa loob ng isang buwan. Binati naman ni Officer in Charge Consul Leo Tito Ausan Jr ng Philippine Consulate sa Jeddah ang mga Muslim na OFWs sa pagsisimula ng Ramadan. Pinaalalahanan din niya ang mga Pinoy na hindi Muslim na bigyan ng pagpapahalaga at irespeto ang pag-aayuno ng mga Muslim sa pamamagitan ng hindi pagkain, pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar. Ipinaalam din ng opisyal na bukas ang konsulado sa buong buwan ng Ramadan mula 10:00 a.m. hanggang 3:00 p.m. mula Sabado hanggang Miyerkules. Mananatili namang 24/7 na nakatutok ang kanilang Medical Reaction Team para tumugon sa mga emergency cases. Dahil sa natapat ang Ramadan sa “summer," inaasahan na ang mainit na panahon na kakaharapin ng mga nag-aayuno lalo na ang mga nagtatrabaho sa lansangan. Nito lamang bisperas ng Ramadan, halos maghapong matakpan ng sandstorm ang maraming lugar sa Jeddah dahil sa init na umabot sa 41 Celsius ang temperatura. -- Ronaldo Z. Concha, GMA News