Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera reveals her birthday gift for Dingdong Dantes


Kahit abala sa kanyang epicserye na Amaya, hindi nawalan ng panahon si Marian Rivera na ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang nobyo na si Dingdong Dantes. Ipinaalam din ng Kapuso Primetime queen ang naging regalo niya sa aktor. Sinadya ni showbiz reporter Cata Tibayan si Marian sa taping ng Amaya. Dito ay ipinakita ng aktres na tunay ang kaeksena niyang ahas na si “Kapid." Si Kapid ang isa raw sa mga dahilan kaya memorable kay Marian ang Amaya. Bukod pa siyempre na ito ang first original story na kanyang pinagbidahan. “Laging may nagtatanong sa’kin kung totoo daw ba ang ahas ko. Para po sa mga nagsasabi na hindi totoo si Kapid, totoo po si kapid eto po siya," pahayag ni Marian sabay pakita sa hawak niyang ahas sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Martes. Ay kahit busy sa trabaho, nagkaroon pa rin ng panahon si Marian na makasama sa dinner ang pamilya ni Dingdong para ipagdiwang ang kaarawan ng aktor. At nang tanungin kung ano ang regalo niya kay Dingdong, tugon ni Marian: “Ang hiling niya sa akin sana daw ipagluto ko siya, so ipinagluto ko siya. Ako yung mas excited para sa kanya." Hangad din daw niya para sa nobyo na matupad ang mga hangarin nito sa buhay, hindi lang bilang aktor. “Marami pa siyang gustong mangyari sa buhay niya hindi lang bilang artista kundi bilang tao. Sana matupad niya lahat ‘yon saka gusto ko parati siyang happy, at sana isa ako sa mga taong nakapagpapaligaya sa kanya," ayon kay Marian. - FRJimenez, GMA News