Filtered By: Showbiz
Showbiz

Nora Aunor, inaming nasurpresa sa mainit na pagsalubong sa kanyang pagbabalik


Dahil sa mga negatibong balita na naglabasan noon, inamin ng Superstar ng Philippine showbiz na si Nora Aunor na hindi niya inaasahan na magiging mainit ang pagtanggap ng publiko sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. Walong taon na nawala sa Pilipinas si Ms Aunor o Guy, at minsan ding nasangkot sa usapin ng paggamit ng ipinagbabawal ng gamot habang nasa US. Nitong Martes ay mainit siyang sinalubong ng showbiz press at mga diehard Noranians sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Sa In The Limelight ng GMA News TV 11 nitong Miyerkules, ipinagtapat ni Ate Guy na nagsimula lang siyang ma-excite nang lalapag na sa NAIA ang eroplanong kanyang sinasakyan. “Masyadong naano yung puso ko kasi hindi ko akalain yung pagtanggap ninyo sa akin ganun pa rin," anang batikang aktres. “Nung nasa states pa ako bago ako umakyat ng eroplano wala akong naramdaman, totoo po ‘yan hindi ako parang naging excited."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang naturang saloobin ay bunga umano ng pinagdaanan niyang mga problema sa nakaraan. “Kasi siyempre yung pinagdaanan ko siguro, yung problemang nakaraan. Pero bago po ako bumaba ng eroplano dun na po nag-umpisa yung excitement, hindi ko na talaga mapigilan," ayon kay Ms Aunor. Bagaman muli siyang mapapanood sa ilang proyekto na kanyang gagawin katulad ang El Presidente with Governor ER Ejercito, malabo naman na muling marinig ang kanyang ginintuang tinig. Sinasabing nasira ang kanyang boses matapos sumailalim sa isang operasyon. “Sa ngayon po talagang hindi ako puwedeng kumanta, pwedeng magsalita pero minsan nga po ‘pag matagal akong nagsasalita hinahapo," paliwanag niya. Kasabay ng pakiusap na huwag ng intrigahan si Ate guy, tiniyak ni German “Kuya Germs" Moreno na ibang Nora Aunor ang makikita ng publiko. “Itong pagbabago ng Superstar natin, makikita niyo po mararamdaman niyo na kayo mismo ang makapagsabi na totoong hindi binigo ni Guy lahat ng dapat kalimutan, kalimutan na," ayon kay Kuya Germs. - FRJimenez, GMA News