Filtered By: Topstories
News

Tanong ng kongresista: Cha-cha, nasa agenda ba ni PNoy?


MANILA – Nais malaman ng isang kongresista kung kasama na sa agenda ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang kontrobersiyal na pag-amyenda sa Saligang Batas. Sa isang pahayag nitong Sabado, pinuna ni Gabriela Party-list Rep Luz Ilagan, ang pagkilos ng House Committee on Constitutional Amendments para talakayin ang resolusyon na magpapatawag ng Constituent Assembly (Con-ass) para amyendahan ang Saligang Batas. “Amid budget hearings, poll fraud controversies and corruption probes, the House of Representatives Committee on Constitutional Amendments is set to tackle on Tuesday, House Concurrent Resolution 10 calling for Congress to Constitute themselves into a Constituent Assembly to propose Amendments to Economic Provisions of the 1987 Constitution," ayon sa kongresista. Pinagdududahan ni Ilagan ang “timing" sa pagtalakay sa naturang resolusyon sa kabila ng pagiging abala ng mga mambabatas sa pagtalakay sa panukalang budget ng pamahalaan sa 2012, at mga alegasyon ng dayaan sa 2004 at 2007 elections. Nitong Biyernes, namalantad din ang sikretong pakikipagpulong ni Aquino sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pangunguna ni Al Haj Murad Ibrahim sa Tokyo, Japan. Sa pulong balitaan sa Malacanang nitong Biyernes, ipinahiwatig ni Marvic Leonen, pinuno ng government peace panel, na kabilang sa mga natalakay ang pagkakaloob sa MILF ng sarili nitong teritoryo na katulad sa sistema sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Ang ARMM ay itinatag bilang bahagi ng naisarang kasunduan sa usapang pangkapayapaan sa Moro National Liberation Front (MNLF) noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos. Bagamat inilihim ang naturang pagpupulong sa Japan, iginiit ni Leonen na walang lihim na kasunduan na nabuo sa naturang pag-uusap. "No secret deal was forged at the time (sa pulong nina Aquino at Murad). We have learned from the MOA AD (Memorandum of Agreement on Ancestral Domain)," pahayag ni Leonen. Ang MOA AD na tinutukoy ni Leonen ang kasunduan na pinasok ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa MILF na ibinasura ng Korte Suprema matapos ideklara na labag sa konstitusyon ang ilang probisyon nito. Ang naturang pagbasura sa MOA AD ay nauwi sa serye ng pag-atake ng rogue MILF units sa ilang bahagi ng Central Mindanao at Sarangani na nagresulta sa pagkasawi ng maraming sibilyan. Sinabi naman ni Ilagan na dapat bantayan ang anumang plano ng pamahalaan na amyendahan ang Konstitusyon. Nangangamba siya na maaalis ang mga probisyon na nagbibigay ng proteksiyon sa national patrimony para sa ipinagmamalaking programa ng pamahalaan na Public-Private Partnership (PPP) programs. “The full blown implementation of the Aquino administration’s Public-Private Partnership will require opening up of strategic industries and enterprises, land ownership, natural resources and public utilities to foreign ownership. This inevitably leads to the total sell-out of our national patrimony and this we must not allow," ayon kay Ilagan. - GMA News