Filtered By: Topstories
News

PNoy maraming dapat ipaliwanag sa secret meeting sa MILF – Lagman


MANILA – Marami umanong dapat ipaliwanag si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa publiko sa ginawa nitong palihim na pakikipagpulong sa mga lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ginawa sa Japan. Sa isang pahayag nitong Sabado, hinamon ni House minority floor leader Rep Edcel Lagman (Albay), si Aquino na ilahad sa publiko ang mga mahalagang detalye na napag-usapan nila ng mga lider ng MILF sa pangunguna ni Al Haj Murad Ibrahim. “The people are entitled to know in the spirit of transparency what happened during the furtive talks," ayon sa kongresista. (Basahin: Aquino, MILF leader hold secret talks in Tokyo hotel) Dapat din umanong ipaliwanag ni Aquino kung bakit kailangang ilihim ang pakikipagpulong nito sa Japan, at ano ang mga hininging kondisyon ng MILF kapalit ng pagpapasailalim sa pamahalaan. “Is the Philippines ready to offer certain concessions? How would the rival MNLF be treated and/or accommodated in the peace talks?," ilan pa sa ibinatong katanungan ng kongresista. Ayon naman sa Malacanang dapat pinanood ni Lagman ang ginawang news briefing sa Palasyo nitong Biyernes tungkol sa naturang pagpupulong. Iginiit ng Palasyo na usaping seguridad ang pangunahing ikinunsidera kaya inilihim ang naturang pagpupulong sa Tokyo, Japan. Samantala, nais din malaman ni Lagman kung ano ang mangyayari sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) sakaling natuloy ang negosasyon sa MILF at tuluyang maisara ang kasunduan para sa usapang pangkapayapaan. Sa pulong balitaan sa Malacanang nitong Biyernes, ipinahiwatig ni Marvic Leonen, pinuno ng government peace panel, na kabilang sa mga natalakay ang pagkakaloob sa MILF ng sarili nitong teritoryo na katulad sa sistema sa ARMM. Ang ARMM ay itinatag bilang bahagi ng naisarang kasunduan sa usapang pangkapayapaan sa Moro National Liberation Front (MNLF) noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos. - GMA News