Filtered By: Topstories
News

Magulang ng 2 biktima umano ng salvaging sa Bataan, humihingi ng katarungan


ABUCAY, Bataan — Katarungan ang sigaw ng dalawang ina para sa kanilang mga anak na hinihinalang biktima ng salvaging sa bayang ito kamakailan. Ang isa sa mga biktima, sinasabing buntis pa. Ang mga labi nina Aileen Villegas, 24-anyos, ng Brgy Wawa, Pilar, Bataan at Rolando Zuniga, 27-anyos, ay natagpuang sa magkahiwalay na lugar sa Abucay. Parehong nakatali ng alambre ang kanilang mga kamay at paa, at nababalutan ng masking tape ang buong mukha. “Humihingi ako ng katarungan para sa aking anak na walang awang pinatay, wala akong alam na kasalanan (nila)," pahayag ni Gng Villegas. Sinabi ni Gng Villegas, nakiusap na huwag banggitin ang kanyang pangalan, na nagdadalang-tao ang pinaslang niyang anak. Nagtataka rin si Gng Zuniga kung bakit kailangan patayin ang kanyang anak na isa umanong bakla at nagtatrabaho sa parlor. Natagpuan ang bangkay ng nakababatang Villegas sa gilid ng ilog malapit sa mga kabahayan at daungan ng mga bangka sa Bgry Wawa. Hinihinalang ipinaanod ang katawan nito ng mga taong pumaslang sa kanya. Samantala, ang mga labi ng nakababatang Zuniga ay nakita naman sa damuhan sa Brgy Salian na hindi kalayuan sa Roman Expressway sa Abucay. Ayon kay PO2 Rommel Lingad, patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa naturang krimen. -- EE/FRJ, GMA News