Filtered By: Topstories
News

Ex-FG Arroyo, ‘di dapat piliting dumalo sa Senado, ayon sa arsobispo


MANILA – Naniniwala ang isang arsobispo ng Simbahang Katoliko na mabibiktima lamang ng trial by publicity si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo kapag dumalo ito sa pagdinig ng Senado. Para kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, mas makabubuting sa korte na lamang sagutin ni Arroyo ang mga alegasyon laban sa kanya at sa kanyang maybahay na si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Sinabi ng arsobispo na malamang mauwi lamang sa trial by publicity ang imbestigasyon sa mga Arroyo katulad umano ng nangyari sa mga nakaraang pagdinig sa Senado. “That is his right," pahayag ni Arguelles sa panayam ng Veritas radio nang tanungin tungkol sa posibilidad na hindi dumalo si G Arroyo sa pagdinig ng Senado. “Bakit siya dadalo doon, hindi naman court yun. Sabi in the aid of legislation, at the expense of a person? You legislate something at the expense of a person? Doon dalhin sa korte kung sakali man na may mag demanda laban sa kanya," dagdag pa niya. Nais ng ilang mambabatas na humarap si G Arroyo sa imbestigasyon na ginagawa ng Senado tungkol sa pagbili ng Philippine National Police ng ilang helicopter noong panahon ng administrasyong Arroyo. Sinasabing dalawa sa tatlong chopper na binayaran ng PNP sa halagang brand new ay mga segunda-mano na at dating pag-aari ng mga Arroyo. Pero paniwala ng arsobispo, may iba pang dahilan ang ginagawang imbestigasyon ng Senado at ito ay manghiya ng mga tao na kanilang ipinatatawag. “Sasabihin in aid of legislation iba naman ang purpose, ang purpose ay hiyain itong isang tao na wala na naman sa poder o iyong asawa niya. Kung may katiwalian, bahalang ilabas ‘yan doon sa court at hindi diyan sa public forum, kangaroo court ‘yan," ayon sa arsobispo. Samantala, iginiit naman ng political analyst na si Fr. Ranhilio Aquino, Dean ng Graduate School of Law ng San Beda College, na hindi dapat isentro lamang ng Aquino government sa mga Arroyo ang pagsisiyasat sa usapin ng katiwalian. Ipinaalala ni Fr. Aquino na ibinasura ng Korte Suprema ang Executive Order No. 1 na lilikha sana ng Truth Commission dahil sa puna na isini-single out lamang nito ang nagdaang administrasyon. “If you want to do an honest to goodness investigation of corruption then go far as you will find the corruption, don’t concentrate on just one administration. I hope everybody should pay attention sa lahat ng mga katiwalian hindi lamang ng Arroyo administration," ayon kay Fr Aquino sa hiwalay na panayam ng Veritas radio. Dapat din umanong tingnan ng pangulo ang mga posibleng katiwalian na maaaring nagagawa ng kanyang mga opisyal. Kinuwestiyon ni Fr Aquino kung bakit patuloy na iniipit umano ng gobyerno ang paggastos sa pondo ng pamahalaan na dapat gamitin sa serbisyo publiko. - GMA News