Filtered By: Topstories
News

Koko Pimentel sa Senate majority bloc gustong umanib


MANILA – Sa grupo ng mayorya sa Senado planong umanib ni incoming Senator Aquilino “Koko" Pimentel III para makasama si Sen Sergio Osmeña III, na kapartido niya sa PDP-Laban. Magsisimulang pumasok sa Senado sa Lunes si Pimentel matapos siyang iproklama ng Senate Electoral Tribunal (SET) nitong Huwebes bilang nanalong senador noong 2007 elections. Nabigyan-daan ang proklamasyon ni Pimentel matapos magbitiw sa Senado si Juan Miguel Zubiri, ang kanyang karibal sa ika-12 at huling puwesto sa 2007 senatorial race. Karaniwang kaalyado ng administrasyon ang mayorya sa Senado. Nais umano ni Pimentel na suportahan ang gobyerno ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ang grupo ng minorya sa Senado ay pinamumunuan naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano. Matapos maiproklama ng SET nitong Huwebes, gagawin naman ang kanyang panunumba sa Davao Oriental kung saan siya nakakuha ng pinakamalaking boto noong 2007 elections. Idinagdag ng bagong senador na nis niyang tutukan ang reporma sa halalan upang wala na umanong kandidato na matulad sa kanya. “Sa ayaw at gusto ko naging expert ako sa electoral reform, kasi nga for four years, ito yung aking nilabanan, ‘yung electoral fraud. In the course of time, naging familiar na ako sa electoral system," pahayag ni Pimentel matapos ang proklamasyon. Nais din ni Pimentel na maparusahan ang mga taong nagsasagawa ng pandaraya sa halalan. “Una sa lahat, gusto ko mag-focus sa accountability, walang napaparusahan. Kahit na may fraud na nagde-deny pa, kahit na nakita na, ayaw pa file-an ng kaso. Dapat lahat ng involved diyan sampahan na ng kaso," aniya. Tatapusin na lamang ni Pimentel ang natitirang termino na iniwan ni Zubiri hanggang June 30, 2013. Gayunman, maaaring tumakbo muli si Pimentel - at maging si Zubiri - sa senatorial race sa 2013 midterm elections. Iprinoklama ng SET si Pimentel na nanalo sa 2007 elections matapos lumitaw sa isinagawang recount na lumamang siya ng 250,000 boto laban kay Zubiri. -- GMA News