Filtered By: Topstories
News

Pinoy welfare officer sa Jordan na inireklamo ng mga OFW, inalis na sa puwesto


MANILA – Ipinatawag na sa Pilipinas ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang Pinoy welfare officer na nakatalaga sa Jordan na inireklamo ng limang overseas Filipino workers (OFWs) ng pagmamalabis. Sa pahayag na ipinalabas ni Susan Ople, ng Blas F. Ople Policy Center, ang organisasyong tumutulong sa mga OFW, sinabing nagpadala na sa kanila ng liham si OWWA head Carmelita Dimzon, upang ipaalam ang ginawang pag-recall kay Welfare Officer Carmelita Mag-uyon. Nakasaad umano sa sulat na kaagad na ipina-recall si Mag-uyon nang matanggap ng OWWA ang pormal na reklamo ng limang OFWs na nag-akusa ng pagmamalabis sa welfare officer. Ayon kay Ople, sa pakikipagtulungan sa Sagip OFW Program ni Sen Manny Villar, tatlong OFWs pa ang naghahanda ang kanilang mga affidavit laban kay Mag-uyon. "The stories of 8 repatriated workers were consistent and had a common pattern. They alleged that Welfare Officer Mag-uyon advised them to go back to their abusive employers or pay back the cost of deployment which obviously these women could not afford to do," pahayag ni Ople. “This goes against the mandate of a welfare officer which is to care for and defend the rights of distressed overseas workers especially those trapped in situations of forced labor trafficking," dagdag niya. Sinabi ni Ople na ikinuwento ng isa sa mga nagreklamong OFW na ipinakausap siya ni Mag-uyon sa amo nitong babae para resolbahin ang kanyang reklamo. Nagpahayag umano ng pangamba sa kanyang kaligtasan ang OFW matapos ipakita ng amo nitong lalaki ang kanyang ari. "She (Welfare Officer Mag-uyon) insisted that I go back to work or pay the deployment costs of my employer otherwise I'll go to prison," nakasaad umano sa affidavit ng OFW. Nang hindi sumunod ang OFW sa kagustuhan umano ni Mag-uyon, dinala siya sa presinto at nakulong ng 11 araw. “While in prison, Thea was maltreated by members of the Jordanian police and was forced to go back to her employer. Upon her return, she was locked up in a room on the fourth floor of the household.," ayon sa pahayag ni Ople. Nakasaad sa sulat ni Dimzon na ipinadala kay Ople na inatasan na nila si Mag-uyon na magpaliwanag at sagutin ang mga akusasyon ng mga OFW. - FRJ, GMA News