Filtered By: Topstories
News

Tigil-demolisyon sa mga iskuwater, hiniling ngayong tag-ulan


MANILA – Hiniling ni Senator Ramon Revilla Jr. sa pamahalaang Aquino na magdeklara ng moratorium sa demolisyon ng iskuwater sa mga lugar na hindi nakapailalim sa state of calamity dahil sa mga bagyo. Sinabi ng senador na makataong hakbang ang gagawing tigil-demolisyon sa tahanan ng mga informal settler lalo na ngayong panahon ng tag-ulan. Iginiit niya na nakasaad sa Sec. 28 ng Republic Act (RA) 7279, o Urban Development and Housing Act of 1992, na dapat ipatupad lang ang mga pagpapaalis o eviction sa mga informal settler kapag maganda ang panahon. Maaari rin itong gawin kung pumayag ang mga apektadong pamilya. Dobleng pahirap umano sa mga mahihirap na alisan ng bahay at hayaan silang mabasa ng ulan at walang masisilungang tahanan. Tinukoy ni Revilla ang ulat ng samahan ng mga maralitang taga-lungsod na Kadamay, na mahigit sa kalahating milyong pamilya sa Metro Manila na nahaharap sa eviction. Ang mga marahas na demolisyon ay nagresulta umano sa pagkawala ng tirahan ng may 35,000 residente. Kabilang umano sa mga biktima ng demolisyon ay mga kababaihan at mga bata. Kaya naman paalala ni Revilla, ginarantiyahan ng RA 9262 o ang Violence Against Women and Children Act ang kapakanan ng mga kababaihan at mga bata. “Ang makitang winawasak ang kanilang tahanan at kawalan ng tiyak na masisilungan habang matindi ang buhos ng ulan ay tiyak na makakapangamba sa isang ina o bata hinggil sa kanilang kaligtasan," ayon sa senador. Bukod sa matinding hirap sa kalooban, sinabi ni Revilla na nalalantad ang mga kababaihan at bata sa mga sakit kapag nabasa ng ulan gaya ng sipon, lagnat at mga water-borne diseases tulad ng dengue, diarrhea, cholera at leptospirosis. Sa halip na gamitin ang malaking bilang ng demolition crew at security forces sa paggiba ng bahay ng mga mahihirap, makabubuting gamitin ang puwersa sa mga search and rescue mission, evacuation at relief operation sa mga magiging biktima ng bagyo. Ang tigil-demolisyon ay maaaring ipatupad habang naghahanap naman ng solusyon ang pamahalaan sa tumitinding suliranin sa kakulangan ng mahusay na programang pabahay. Base umano sa ginawang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2010, kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may malaking bilang ng mga slum dweller. Mula 2000 hanggang 2006, tumaas ang slum population sa annual rate na mahigit na 3.5 percent kumpara sa urban population growth rate ng 2.3 percent. Sa Metro Manila lang, tinatayang 37 porcent ng population o mahigit 4.0 milyong katao ang naninirahan sa slum areas noong 2010. Pagdating ng 2050, tinatayang aabot pa sa siyam na milyon ang slum population sa Metro Manila. -- GMA News