Filtered By: Showbiz
Showbiz

Youtube sensation na si Maria Aragon bumisita sa Ormoc


Binisita ng Youtube sensation na si Maria Aragon nitong Biyernes ang Ormoc City, kung saan nagmula ang kanyang ina. Ang pagbisita ni Maria ay tugon sa imbitasyon ng Couples for Christ at Answering the Cry of the Poor (ANCOP), kunsaan nagsisilbing ambassadress ng dalagitang Fil-Canadian. Isa pang dahilan ng bisita ni Maria sa Ormoc City ay dahil ang ina niyang si Menchie Catangcatang Aragon ay tubong Ormoc. Nanirahan noon si Gng Aragon sa Brgy Dolores sa Ormoc City, bago siya nagpunta sa Maynila at tuluyang nag-migrate sa Canada. Ayon naman sa ama ni Maria na si G. Veni Aragon, sa kanya nagmana sa pagkanta si Maria. Hindi rin dumaan sa pormal na pag-aaral si Maria sa pagkanta at maging sa pagtugtog ng organ. Naging masaya ang pagbisita ng pamilya Aragon sa Ormoc dahil naging mainit ang pagtanggap sa kanila ng mga residente. Kasama ni Maria ang kanyang mga kapatid na sina Linger, Rojuane at JV. Ayon kay Rojuane, ang nag-upload ng video sa Youtube ni Maria habang kinakanta ang “Born This Way" ni Lady Gaga, hindi niya inakalang hahantong ng ganitong sitwasyon ang kanyang ginawa. Dahil hindi siya marunong magsalita ng bisaya, ipinaalam ni Maria sa salitang Tagalog, ang labis niyang pasasalamat sa suportang kanyang natanggap. Binisita ni Maria at ng kanyang pamilya sina Congresswoman Lucy Torres-Gomez, at Mayor Eric Codilla, at maging ang iba’t ibang paaralan sa lungsod. – R.R./FRJ, GMA News