Filtered By: Topstories
News

Artist Mideo Cruz, nais lang daw ‘manundot’ ng pag-iisip sa kanyang mga likha


MANILA – Humingi ng paumanhin ang kontrobersiyal na artist na si Mideo Cruz sa mga taong nasaktan ng kanyang nilikhang sining. Paliwanag niya, nais lamang niyang sundutin ng kaunti ang pag-iisip ng tao. "Humihingi ako ng paumanhin sa mga nasaktan. Pero hindi ako yung tao na nagpipinta ng magandang bulaklak o magandang tanawin. Ang mga ginagawa kong proyekto ay mga bagay na susundutin ng kaunti ang ating mga pag-i-isip," paliwanag ni Cruz sa ulat na lumabas sa GMA News TV 11 State of the Nation (SONA) ni Jessica Soho nitong Biyernes ng gabi. Umani ng matinding kritisismo si Cruz lalo na sa mga Kristiyano dahil sa nilikha niyang mixed media installation na "Poleteismo" na bahagi ng art exhibit na “Kulo" sa Cultural Center of the Philippines. "Nasasaktan [kami] dahil isa sa mga imahen na nabastos ni Mideo ay ang imahe ng Sacred Heart of Jesus," pahayag ng isang nagsimba na nakapanayam ni GMA News reporter Joseph Morong sa isinagawang misa sa Sacred Heart of Jesus Parish sa Kamuning, Quezon City, nitong Biyernes.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV "Hindi ko akalaing gagawin nila yun sa Panginoon. Sinasabi pa namang ang Pilipinas ay isang Kristiyanong bansa. Pero nang malaman ko nga at makita [ang artwork]... nakakapangilabot," pahayag ng isa pang dumalo sa misa. Ang Atonement Mass na isinagawa sa Sacred Heart of Jesus Parish ay pambihirang ritwal upang ihingi ng kapatawaran ang kasalanan ng mga tao. "Ang gagawin natin ay tulad ng ginawa ni Kristo, na tayo ay hihingi ng tawad sa kasalanan ng iba," paliwanag ni Fr. Teddy Abas bago magsimula ang misa. Kinastigo ng isang mananampalataya ang ginawang paglalagay ni Mideo ng condom sa imahe ni Hesus Krsito. Bagaman iniiwasan ni Cruz na magpag-usapan pa ang kanyang likha, inusisa siya tungkol sa kanyang intensiyon lalo na sa tinatawag na "phallic symbol." "Ang phallic symbol naman ay matagal nang simbolo ng lakas, ng power. Halimbawa, yung sinasabi nilang cross, elemento ito ng pinagdaanan nating kolonisasyon," paliwanag niya. Ipinaliwanag ni Cruz sa isang forum sa University of the Philippines Claro M. Recto Hall nitong Miyerkules na maraming imahe at reliko sa kanyang mga nililikha. "Mahilig sa reliko ang mga Pilipino. Ako rin mahilig sa reliko... yung mga nakikita natin sa dingding... actually mga sarili kong reliko ‘yan. High school pa lang ako kinokolekta ko na. Galing din yung iba sa mga lumang bahay, galing yung iba sa mga kaibigan, at minsan bili lang ako ng bili ng posters,"ayon kay Cruz. Sa SONA nitong Biyernes, sinabi ni Cruz na, "Kapag tiningnan mo yung gitna hindi naman si Kristo yung makikita mo eh... salamin yun, isang convex na salamin. Isa itong repleksiyon ng sarili mo at repleksiyon din ng komunidad mo." "Makikita mo yung buong likuran mo. It's like a reflection within a reflection. Parang continuous feedback siya, in a metaphorical way," dagdag niya. Nitong Martes, nagdesisyon ang Board of Directors ng CCP na isara na muna ang exhibit dahil umano sa natatanggap nilang pagbabanta sa ari-arian at buhay ng ilang indibidwal. Ang pagpapatigil ng exhibit ay ginastigo naman ng ilang alagad ng sining at tinawag nila ang hakbang na censorship. - GMA News
Tags: mideocruz