Filtered By: Topstories
News

Mga Pinoy sa Paris, nagbigay ng tulong sa mga distressed OFWs sa Jeddah


JEDDAH – Ilang grupo ng mga Filipino Community sa Paris ang nagbigay ng tulong sa mga distressed overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatira sa Filipino Workers Resource Center (FWRC) na nasa loob ng Philippine Consulate kamakailan. Ayon sa Kaagapaymo Kami OFW, ipinaalam ni Richard Villanueva, miyembro ng media na nakabase sa Paris, ang tulong ay ipinaabot ng kanyang mga kasamahang mamahayag sa Philippine Press Club, Filipino Muslim Community sa pangunguna ng kanilang presidente na si Sukarno Ibrahim. Nagkaloob din umano ng tulong iba pang mga organisasyon kabilang ang ilang opisyal ng embahada sa Paris. Kasama ang OFW group na Bawadi at mahigit 50 runaway Pinays, sama-samang pinagsaluhan ang mga pagkaing ipinagkaloob pagkatapos ng maghapong pag-aayuno ng mga kapatid na Muslim. Nagbigay din ng kasiyahan ang Kaagapay sa wards kung saan namigay sila ng pera bilang papremyo sa kanilang mga palaro. Nagbigay din sila ng mga karagdagang impormasyon at moral support sa mga OFW na nagbabakasakali pang makipagsapalaran muli sa ibang bansa. Nagpasalamat naman si Arlene Marasigan sa tulong na ipinaabot ng mga Pilipino saanmang bahagi ng mundo. “In behalf of our Labor Attaché Vicente Cabe ng Philippine Overseas Labor Office, kami po dito sa FWRC ay lubos na nagpapasalamat sa lahat po ng ating mga kababayan sa loob man at labas ng Saudi Arabia sa walang sawa ninyong pagbibigay ng tulong sa ating mga kapuspalad na kababayan," ayon kay Marasigan. Masaya naman si OWWA Welfare Benny Reyes sa magandang layunin na maging nasa ibang bansa ay nagiging bahagi ng pagtulong sa mga kababayan. “Originally ay para sa mga kababayan nating nasa Hajj Terminal ang pagpapakain na ito ng ating mga kababayan sa France. Pero dahil sa nandoon naman ang OWWA at pauwi na rin naman ang mga stranded sa Pilipinas nang mga oras na iyon, ay maganda na ang ating mga wards na nasa consulate ang nagbenefit ng tulong na ito," pahayag ni Reyes. Sinabi ni Atoy Esguerra at Reymon Martinez, ilan sa mga opisyal ng Kaagapaymo, marami pang nakalinya na mga gawain ang kanilang grupo. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga karagdagang impormasyon at mga paalala sa mga OFWs lalo na ang mga nagtatrabaho sa labas ng siyudad. - Ronald Concha, GMA News