Filtered By: Topstories
News

Umuwing 61-anyos na OFW na may cancer mula sa KSA, pumanaw na


MANILA – Pumanaw na nitong Lunes si Josephine Muyco, ang 61-anyos na overseas Filipino Worker (OFW) na may breast cancer at kauuwi pa lamang sa bansa noong nakaraang linggo mula sa Saudi Arabia. Si Muyco, mas kilala sa tawag na Nanay Josephine, ay 25 taong nagtrabaho sa KSA bilang domestic helper. Sa tulong ng mga kababayan at pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Philippine Consulate, nagawang mapauwi siya sa Pilipinas noong Miyerkules. Hindi naging madali ang pagproseso sa mga dokumento ni Nanay Josephine dahil maraming taon din siyang naging runaway OFW sa naturang kaharian. At sa paglubha ng kanyang karamdaman, wala na siyang naging ibang hiling kundi ang makauwi sa Pilipinas para makapiling ang mga mahal sa buhay sa nalalabing panahon niya sa mundo. Nitong Lunes ng namatay araw, nalagutan ng hininga si Nanay Josephine habang nakaratay sa Philippine General Hospital dahil sa kanyang Stage 4 breast cancer. “Wala na po si Nanay, pumanaw na po siya" umiiyak na pahayag ni Letty, manugang ni Gng Muyco.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinabi ni Letty na parang hinintay lang ng kanyang biyenan na makita ang kaisa-isa nitong anak bago niya tuluyang lisanin ang mundo. Kuwento ni Letty, naging masaya ang kuwentuhan ng mag-ina nang muli silang magkita pagkaraang ng mahabang 25 taon. Hindi umano akalain ni Letty na iyon na ang huling gabi na makakapiling nila si Nanay Josephine. Nakalagak ang mga labi ni Nanay Josephine sa Saint Peter Funeral homes sa Las Pinas habang inaasikaso ang kanyang pag-uwi sa Iloilo. Sinabi ni Letty na ang Center for Migrant Advocacy (CMA) sa pangunguna ni Ellen Sana at Ana Navarro ang siyang nag-aasikaso sa pag-uwi ng labi ng kanyang biyenan sa Iloilo. Sa kabila ng mga pangyayari, sinabi ni Letty na masaya na rin sila dahil nakauwi pa nang buhay ang kanyang biyenan sa bansa at kanila itong nakapiling kahit sandali. Bago pumanaw ang biyenan, sinabi ni Letty na pinasalamatan nito ang lahat ng tao, organisasyon at kumpanya na tumulong sa kanya habang nakaratay sa KSA, at hanggang pag-uwi niya sa Pilipinas. Nalungkot man ang mga OFWs sa pagkamatay ni Nanay Josephine, masaya na rin sila dahil nakauwi na siya ng Pilipinas at natupad ang kahilingan na makasama kahit saglit ang kanyang pamilya, lalo na nag-iisang anak at apo. Para sa kanila, ang kaso ni Nanay Josephine ay sumasalamin sa maraming kaso ng mga undocumented OFW na may malubhang karamdaman na nangagailangan ng mabilisang tulong ng gobyerno para makauwi sa Pilipinas. - Ronald Concha/FRJ, GMA News