Filtered By: Topstories
News

Komite na magsisiyasat sa umano’y ballot switching sa Kamara, binuo na


MANILA – Binuo na ng Kamara de Representantes ang seven-man team na mag-iimbestiga tungkol sa umano’y pagpapalit ng mga elections returns (ERs) noong 2005 sa loob mismo ng kapulungan. Sa deliberasyon ng sesyon nitong Martes, inaprubahan ng kapulungan ang mosyon ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na buuin ang Ad-Hoc Committee para alamin ang katotohanan sa umano’y pagpasok ng ilang pulis sa Batasang Pambansa noong 2005 para palitan ang mga ER. Iginiit ng kongresista na kailangang isagawa ang imbestigasyon dahil magkakaroon ng pagdududa tungkol sa kakayahan ng Kamara na protektahan ang mga ipinagkakatiwalang dokumento sa kapulungan. Bukod kay Fariñas, kabilang sa seven-man team sina Quezon Rep Lorenzo Tañada; An Waray Party-list Rep Florencio “Bem" Noel; Cavite Rep Elpidio Barzaga; Cebu Rep. Pablo John Garcia; Iloilo Rep Jerry Treñas at Albay Rep. Edcel Lagman. “The Ad-hoc Committee will make an informed determination on whether or not the alleged break-ins occurred and and recommend appropriate legislative, judicial and other remedial actions," ayon kay Fariñas. Una rito, sinabi ni Senior Superintendent Rafael Santiago, dating opisyal ng Special Action Force (SAF), na pinangunahan niya ang grupo ng mga pulis sa pagpunta sa Kamara noong 2005 para palitan ang ilang ERs. Ginawa umano ang pagpapalit para pagtakpan ang umano’y dayaan noong 2004 elections kung saan nagwagi si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kabilang sa kapangyarihan ng komite ay magpatawag ng mga tao at humingi ng mga kaukulang dokumento sa isasagawang imbestigasyon. Sa basbas ni Speaker Feliciano Belmonte, maaari ring magpalabas ng subpoena ang komite para pilitin ang isang indibidwal na dumalo sa pagdinig. Sinabi naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, na magpapakita siya ng mga election return (ERs) kung saan lumitaw na nanalo sina Fernando Poe Jr. at katambal nitong si Loren Legarda noong 2004 polls. Pero ang resulta ng mga boto ay hindi lumabas sa binasang certificates of canvass ng board of canvassers. Si Rodriguez ay nagsilbing abogado nina Poe at Legarda noong 2004 elections. - GMA News