Filtered By: Topstories
News

Mag-amang Ampatuan, ‘di raw alam ang tangkang pagpatay kay Mangudadatu


MANILA – Hindi umano batid ng mag-amang Andal Ampatuan Sr. at Andal Ampatuan Jr. ang nangyaring car bombing sa Tacurong City na muntik makapatay sa mahigpit nilang kalaban sa pulitika na si Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu noong Lunes. Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni Atty Sigfrid Fortun, abogado ng mag-amang Ampatuan, na ngayon lamang niya ibabalita sa kanyang mga kliyente ang nangyaring insidente. "My clients still do not know about the bombing. I will still inform them about it later," pahayag ni Fortun bago magsimula ang pagdinig sa Maguindanao massacre sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City. Kapwa pangunahing akusado sa masaker ang mag-amang Ampatuan. Samantala, kabilang sa mga biktima ng karumal-dumal na krimen na naganap noong Nobyembre 2009 ang asawa at dalawang kapatid ni Mangudadatu.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, ang bomba ay inilagay sa isang Kia sedan na sumabog habang dumadaan ang convoy ni Mangudadatu. Dalawa ang nasawi sa pagsabog kabilang si Maguindanao board member Datu Russman Sinsuat Sr. Una rito, sinabi ni PNP Region 12 head Chief Superintendent Benjardi Mantele na tinitingnan nila ang lahat ng posibleng anggulo sa nangyaring pag-atake. Kabilang na dito ang iringan sa pulitika ng mga Mangudadatu at Ampatuan. Naglabas na rin ng artist sketch ang pulisya tungkol sa suspek, habang inaalam pa kung may pananagutan ang may-ari ng sumabog na kotse na isang Maureen Ella Macasindi. Nang hingan si Fortun ng reaksiyon tungkol sa hinalang ang pamilya ng kanyang kliyente ang posibleng nasa likod ng car bomb, tugon ng abogado: "Politician siya [Mangudadatu], so marami talagang kaaway iyang ganyan." Idinagdag ni Fortun na kahit sino ay maaaring magparatang tungkol sa nangyari. — GMA News