Filtered By: Topstories
News

Ex-Pres Arroyo, ‘di raw pwedeng pigilan kung nais magpagamot sa abroad


MANILA – Walang nakikitang dahilan ang dalawang lider ng Kamara de Representante para pigilan kung sakaling naisin ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magpagamot sa ibang bansa. Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi nina Speaker Feliciano Belmonte Jr. at House Majority Leader Rep. Neptali Gonzales II, na karapatan ni Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, na tumanggap na pinakamahusay na atensiyong medikal. “I think there is absolutely no reason to stop her from getting the best medical attention as possible," pahayag ni Belmonte. Nitong Miyerkules, sinabi ng duktor ni Arroyo sa St Lukes Hospital sa Taguig City, na hindi kritikal ang lagay ni Gng Arroyo at isasalang na siya sa ikatlong operasyon sa leeg sa susunod na linggo. Sinabi naman ni Gonzales na dapat maging mabilis ang pagtugon sa kalagayan ni Gng Arroyo kung sadyang delikado ang kanyang kondisyon. “If that is the only way for her para gumaling na siya, walang problema," ani Gonzales “Anyway, kahit anong gawin natin, siya ay dating Presidente pa rin natin." Una rito, sinabi ni Atty. Raul Lambino, legal spokesman ni Gng Arroyo, na pinili ng kanyang kliyente na manatili sa Pilipinas upang hindi isipin ng publiko na tatakasan niya ang mga ibinibintang na katiwalian na naganap sa panahon ng kanyang termino. Dagdag ni Lambino, pinayuhan umano ng mga duktor si Arroyo na magpagamot sa Amerika o sa Singapore. “Sinasabi niya, ‘kapag ako umalis sa bansa, sasabihin nila tinatakbuhan ko itong accusations against me.’ To the extent of maybe putting her life in danger," ayon kay Lambino. Inilagay ng Bureau of Immigration sa watch list si Arroyo at asawa nitong si dating First Gentleman Mike Arroyo. Dahil dito, kailangan muna nilang magpaalam at humingi ng permiso sa Department of Justice kung lalabas sila ng bansa. Malacanang ‘di hahadlang Kasabay nito, sinabi ni presidential spokesperson Edwin Lacierda na papayagan ng Palasyo si Gng Arroyo na magpagamot sa ibang bansa kung hihilingin ito ng kanyang pamilya. “If the medical doctors find it necessary and the Arroyo family would request it from us, as a humanitarian gesture, of course (we will allow her). If there is no medical facilities or medical expertise available in the Philippines, we will not deprive the Arroyo family of getting the best medical attention they can do," paliwanag ni Lacierda. Sinabi pa ni Lacierda na maging ang ama ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na si dating Sen Benigno (Ninoy) Jr., ay pinayagan din naman ni dating pangulong Ferdinand Marcos na magpagamot sa US. “It would be in consonance with the President’s nature to…for humanitarian purposes to allow such travel abroad for medical reasons," ayon kay Lacierda. “I think Saint Luke’s said that there’s no need for the former President to seek medical attention abroad," dagdag niya. - GMA News