Filtered By: Topstories
News

10 katao, patay: Trak na sinasakyan ng mga makikipaglibing, bumaliktad sa Cebu


Nauwi sa trahedya ang libing na ginawa sa Barili, Cebu nitong Huwebes nang mawalan ng preno at bumaligtad ang dump truck na sinasakyan ng ililibing at mga nakikipaglibing habang papunta sa sementeryo. Dahil sa aksidente, 10 katao ang nasawi at 38 iba pa ang nasaktan, ayon sa ulat ng GMA News TV 11 State of the Nation ni Jessica Soho nitong Huwebes ng gabi. Sa nasabing ulat, kasama ng mga labi ni Prankina Imit sa trak ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan na makikipaglibing papunta sa Barili Cemetery dakong 1:00 p.m. Ngunit pagdating sa pababang bahagi ng kalsada sa Brgy Kangdampas, nawalan umano ng preno ang dump truck ng munisipyo at bumaliktad.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Anim umano sa mga sakay ng trak ang kaagad na nasawi. Sa mga sugatan, pito sa kanila ang hindi pa umano nagkakamalay. Dinala ang mga biktima sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City, at Barili District Hospital. Sumuko naman ang drayber ng trak sa pulisya. Nahaharap siya kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries, ayon kay Chief Inspector Marlon Gumabao ng Barili police station. — GMA News