Filtered By: Topstories
News

Ka-birthday ang isang Ampatuan: Car bomb regalo sa kaarawan ni Mangudadatu?


Isiniwalat ni Maguindanao Gov. Esmael "Toto" Mangudadatu nitong Biyernes, na kasabay niya sa petsa ng kapanganakan si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., isa sa mga pangunahing suspek sa Maguindanao massacre. Nagdiwang ng kanyang ika-43 taong kaarawan si Mangudadatu nitong Agosto 15, ang araw kung kailan naganap ang kauna-unahang car bombing sa bansa sa Tacurong, Sultan Kudarat. Naganap ang pagsabog habang dumadaan ang convoy ng mga sasakyan ni Mangudadatu. Kabilang si Maguindanao board member Datu Russman Sinsuat Sr. sa dalawang nasawi, habang anim pa ang nasaktan. "Magkasabay kami ng birthday ni Unsay [Andal Jr.], 15th August siya, 15th August din ako... Hindi ko naman sinasabi na ano... pero ayun may naririnig rin ako na birthday gift iyan sa iyo," kwento ni Mangudadatu kay GMA stringer Ferdinand Cabrera. Isang suspek na ang nadakip ng mga pulis na kinilalang si Datu Karim Masdal. Nadakip si Masdal habang lumalayo umano sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog. Samantala, pinaghahanap naman ng pulis ang isa pang suspek na si Jay R. Reyes. Sa kabila nito, nanawagan si Mangudadatu sa Department of Justice at sa Department of Interior and Local Government (DILG), na paigtingin pa ang imbestigasyon para matukoy ang mastermind sa car bombing. "Mayroong puwedeng lumantad na witness na makakapagsabi na sino ba talaga ang nagplano nito... Marami kaming ebidensiya," ayon sa gobernador. Nakiusap din siya na higpitan ang mga nakakulong na Ampatuan sa paggamit ng mga communication equipment dahil nakapagbibigay pa umano ng utos ang mga ito sa kanilang mga kaalyado sa labas ng piitan. "Hanggang ngayong may cellphones pa sila, dapat rekisahin iyan. Hindi sa dahil kalaban ko sila [kaso] makakapagbigay sila ng orders at may pera sila, eh," pahayag ni Mangudadatu. Nauna nang pinabulaanan ng Bureau of Jail Management and Penology na binibigyan ng special treatment ang mga Ampatuan sa kulungan. - GMA News