Filtered By: Topstories
News

Gumagawa ng condom, ‘di kinakampihan ni PNoy -- Valte


MANILA – Pinabulaanan ng Malacañang nitong Sabado ang hinala ng isang obispo ng Simbahang Katoliko na kinampihan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, ang mga “multinational condom maker" kaya isinama sa priority bills ng pamahalaan ang Reproductive Health (RH) bill. Tinawag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na “way off the mark" ang pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, na opisyal din ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. “I think that’s way off the mark. Ang pag-push natin sa Responsible Parenthood is for poverty reduction," paliwanag ni Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado. Binigyan-diin ng opisyal na kailangang isulong ng pamahalaan ang kontrobersiyal na panukalang batas dahil kailangan ito sa paglaban kontra sa kahirapan. Nauna nang sinabi ni Aquino na handa siyang ma-excommunicate ng Simbahang Katoliko dahil sa kampanya niya tungo sa responsableng pagpapamilya. Nitong Biyernes, ipinahayag ni Pabillo ang pagkadismaya sa desisyon ni Aquino na isama sa 13 priority measures na isinumite sa Kongreso ang RH bill. Ang ginawa umano ng pangulo ay pagkampi sa mga dambuhalang dayuhang kumpanya na gumagawa ng condom at iba pang gamot na pipigil sa pagbubuntis. Dahil sa pagkakasama ng RH bill sa listahan ng prayoridad na panukalang batas ng Malacanang, muling lumabo ang planong pag-uusap ng CBCP at pamahalaan tungkol sa naturang panukala. Kasabay nito, nagbabala naman si outgoing CBCP secretary general Msgr. Juanito Figura, na ang pagsasama ng RH bill sa prayoridad ni Aquino ay magdudulot ng kalituhan, pagkadismaya at kawalan ng tiwala sa administrasyon ni Aquino. Dapat daw malaman kung kasama sa “fine-tuned" na RH bill ang, “characteristic contraceptive pro-abortion agenda" at “advance a new rendering of ‘conscience,’ ‘freedom,’ ‘rights,’ ‘responsible parenthood’ and ‘family.’" “Will it still use a lot of taxpayers’ money? And most importantly, has the penalty clause on violations been truly omitted?" tanong ni Figura. Nitong Biyernes, nanawagan ang ilang lider ng Simbahan Katoliko sa mga mamamayan na nagpapahalaga sa buhay na maging mapagmatyag at hadlangan ang pagpasa ng RH bill. – GMA News