Filtered By: Topstories
News

P18B corn program ni Arroyo, nais paimbestigahan sa Kamara


MANILA – Nais ng isang mambabatas na imbestigahan ng Kamara de Representantes ang Ginintuang Masaganang Ani (GMA) corn program ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na pinaglaanan umano ang pondo na aabot sa P18 bilyon. Ang imbestigasyon ay hiniling ni Anakpawis party-list Rep. Rafael Mariano, sa pamamagitan ng House Resolution 1417. Sa naturang resolusyon, hiniling ng kongresista sa House Committee on Agriculture and Food na ipatawag at hingan ng paliwanag ang mga dating opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Sa pahayag nitong Sabado, sinabi ni Mariano na batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), iniutos umano ni Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga, ang pagpapalabas ng P18.25 bilyon para pondohan ang “GMA for Corn Program" mula 2002 hanggang 2009 sa ilalim ng Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA), at noong 2010 sa ilalim ng Department of Agriculture (DA). Dahil ipinalabas ng pondo ng “lump sum," sinabi ni Mariano na naging mahirap para imonitor kung papaano ito ginamit ng nakaraang administrasyon. Paliwanag ni Mariano, layunin umano ng programa na tulungan ang mga magsasaka ng mais na umunlad sa pamamagitan ng pagtatatag ng Corn-based Agribusiness System Technology (COAST), na hihikayat ng mga mamumuhunan mula sa pribadong sektor at kooperatiba. “The program aims to increase corn productivity, adoption of the yellow corn hybrid technology, produce quality corn and increase the income of corn farmers," paliwanag ng mambabatas. Pero mula 2002 hanggang 2008, ang pondo umano sa corn program ay nahaluan ng rice program. Taong 2009 lang umano nagkaroon ng hiwalay na pondo para sa corn program, ayon kay Mariano. “The 2007 Commission on Audit (COA) report disclosed that the DA’s banner programs including GMA’s for the Corn Program led to the loss or waste of government resources," pahayag ng mambabatas. Idinagdag niya na inamin din umano ng Regional Field Units (RFUs) ng DA na bigo ang GMA Corn Program mula 2007 hanggang 2008. Sinabi ni Mariano na isinumite lang umano ang master list ng mga farmer-beneficiaries matapos na maipamahagi ang mga butil ng mais. Marami rin umano butil ang nabulok at hindi napakinabangan. -- GMA News