Filtered By: Topstories
News

Bayad bago uwi: Ilang OFWs sa Syria, ayaw daw pauwiin ng mga amo


MANILA – Iminungkahi ni Sen Manny Villar na mga beteranong labor attaché ang ipadala sa Syria para makipagnegosasyon sa mga employer ng overseas Filipino workers (OFWs) na ayaw payagang makauwi ng Pilipinas sa kabila ng nagaganap na kaguluhan sa nabanggit na bansa. Ang mungkahi ay ginawa ni Villar matapos makatanggap ng impormasyon na mahigit 250 OFWs na karamihan ay mga domestic helper ang nais ng bumalik sa Pilipinas pero ayaw payagan ng kanilang mga amo. Humihingi umano ang mga employer sa mga OFW ng malaking halaga para mabayaran ang kanilang ginastos kapalit ng pagpapauwi sa mga Filipino. Dahil dito, nakiusap si Villar sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) na mga labor attaché na may sapat na karanasan sa pakikipag-usap sa mga employer ang ipadala sa Syria. Sa pagdinig ng Senate committee on finance nitong Lunes sa panukalang budget ng DOLE para sa taong 2012, ipinabatid ni DOLE Secretary Rosalinda Baldoz na ang pinakahuling impormasyon na nakuha niya, sa 17,000 OFWs sa Syria, may 258 domestic helper na ang tumugon sa voluntary repatriation ng gobyerno. Kinumpirma niya na nagkakaroon ng problema sa paglilikas dahil hindi binibigyan ng exit clearance ng kanilang employer ang mga OFW hanggang hindi nababayaran ng $3,000 hanggang $4,000 sa kanilang employer. Ipinaliwanag naman ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Carmelita Dimzon na ang naturang halaga ay para mabawi nila ang ginastos nila sa pagkuha sa mga OFW. “Their release now is in various stages of negotiations because our embassy has to help them also get the exit clearance from their employer. Kasi these are household service workers and the employers would not want to release them kung wala silang bayad. Magbabayad sila ng $ 3,000 to $ 4,000 parang yun ang bayad nila sa unserved portion ng kanilang contract," paliwanag ni Dimzon. Ayon kay Dimzon, walang pondo ang DOLE at DFA para bayaran ang sinisingil ng mga employers na tinatayang aabot sa P 43 milyon. Gayunman, sinabi ng opisyal na patuloy umano ang pakikipagnegosasyon ng embahada ng Pilipinas sa mga amo ng mga OFWs para payagan silang makaalis ng ng Syria. - GMA News