Filtered By: Topstories
News

Dating brodkaster na si Sec Carandang, sinabon ng kongresista


MANILA – Sinermunan ng isang kongresistang kasapi ng oposisyon ang dating brodkaster na si Communications Secretary Ricky Carandang dahil sa umano’y “aroganteng" pagsagot nang humarap sa budget hearing sa Kamara de Representantes nitong Huwebes. Naganap ang paghaharap nina Carandang at House deputy minority leader Rep. Milagros Magsaysay, sa pagdinig ng House appropriations committee habang nakasalang ang hinihinging budget ng Presidential Communications Development and Strategic Planning (PCDSPO) para sa 2012. Sa naturang pagdinig, inusisa ni Magsaysay si Carandang kung bakit tila bigo umano ang pinamumunuan niyang PCDSPO na maipabatid sa publiko ang mga magagandang nagagawa ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. “Don’t you think you have failed in your mandate in communicating the good policies of President Aquino?" tanong ng kongresista. Kasunod nito, patanong din ang naging tugon ni Carandang kay Magsaysay: “Was that a rhetorical question or did you actually want me to answer that?" Ang naturang sagot ni Carandang ay hindi nagustuhan ni Magsaysay na nakasagutan na rin niya noon sa social networking site at media tungkol sa mga biniling laptop ng kanyang ahensiya. “Let me remind you that arrogance has no place in public service. And [if] you are going to be arrogant, then I don’t think you should stay any longer in public service… You are a breed of public servants who has no place in public service," pagsita ni Magsaysay kay Carandang. “Ikaw, appointed official ka lang, ano karapatan mong maging arogante? 'Yung pagiging arogante mo at pagiging spoiled brat mo, iiwan mo iyan sa bahay mo. Once pumasok ka sa Office of the President, matuto kang maging humble," payo pa ng kongresista. Kaagad na sinuspindi ni Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya, chairman ng komite, ang pagdinig para pakalmahin muna ang magkabilang panig. Nang ipagpatuloy ang pagdinig, humingi ng paumanhin si Carandang kay Magsaysay. “I did not mean to offend… It’s been a rather tense morning and so again, there was no intent on my part to offend anybody," ani Carandang. “I’m sorry if I hurt your feelings." -- GMA News