Filtered By: Topstories
News

Cash transfer program ng pamahalaan, dapat daw bantayan


MANILA – Hinimok ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., ang publiko na bantayan ang programa ng pamahalaan na namimigay ng pera sa mga pinakamahihirap na pamilya sa Pilipinas. Ayon kay Bacani, dapat ipaalam kaagad sa kinauukulan kung may makikitang anomalya sa Conditional Cash Transfer (CCT) program, na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). “Kinakailangan ng vigilance on the part of the citizens within the community para maipaalam, mabuti na may nagpapasabi hindi tama ang pagkakabigay nito o kaya lalong-lalo na kung may mga ghost recipients, yun ang ‘wag sanang mangyayari," pahayag ni Bacani sa panayam ng Radio Veritas nitong Biyernes. Ang panawagan ay ginawa ng obispo bunga na rin ng ilang ulat na mayroong mga makasama sa listahan ng mga benepisaryo ng programa kahit hindi naman sila karapat-dapat. Nangangamba rin si Bacani na baka magamit ang bilyong-bilyong pondo ng CCT program ng mga taong may ambisyong tumakbo sa 2013 elections. Bagaman tutol si Bacani sa basta na lamang magbigay ng pera ang pamahalaan sa mga tao kahit hindi pinaghirapan, umaasa ang obispo na makatutulong ito upang maiangat ang buhay ng mga mahihirap. Nagbigay din ng payo si Bacani sa mga benepisaryo ng programa na magsama-sama at magtabi ng kaunti sa kanilang matatanggap na puwede nilang magamit sa ikauunlad ng kanilang buhay. “Kinakailangan talagang tingnan kung itong mga funds na ito ay napupunta doon sa talagang karapat-dapat na bigyan ng tulong. At ikalawa, mas mahirap kung paanong maturuan naman sila as they are being given funds ng ways of engaging in livelihood like through cooperative," paliwanag ni Bacani. “Magtulong-tulong sila, yayamang binibigyan sila ng ganitong halaga, eh magtabi ng let us say kahit na one-fifth na halaga na yun every month para sa gayun, makapagtayo silang magkakasama sa isang nayon ng isang kooperatiba na pangkabuhayan nila," dagdag pa ng Obispo. -- GMA News