Filtered By: Topstories
News

PNoy sumabak sa kantahan sa b-day party ni Sen Pangilinan


MANILA – Hindi napahiya sina Mega Star Sharon Cuneta at iba pang bisita sa birthday party ni Sen Francis Pangilinan, nang pakantahin nila ang espesyal na bisita na si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Sa GMA News TV 11’s SONA nitong Biyernes, sinabing kilalang mahilig sa musika ang binatang pangulo kaya naman game na game siyang nakipag-jamming sa mga bisita ng kanyang kapartido at kaalyado na si Pangilinan nitong Huwebes ng gabi. Unang inawit ni Aquino ang rock song ng Juan dela Cruz band na “Balong Malalim," at sinundan ng slow rock na “Stairway to Heaven."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV At dahil humiling ang mga bisita ng “more," nakipagsabayan pa ang pangulo sa pag-awit ng mga OPM song kina Jim Paredes ng grupong Apo Hiking Society at Noel Cabangon. Inawit naman ni Cuneta ang hit song na "Kahit Maputi Na Ang Buhok" para sa kanyang mister na si Pangilinan. Nakisaya rin sa kaarawan ng senador ang iba pang miyembro ng Gabinete ni Aquino kabilang sina Secs Mar Roxas (Transportation and Communication) at Florencio Abad (Budget and Management). Bago makipagsaya sa kaarawan ni Pangilinan, dumalaw muna at nakiramay nitong Huwebes ng hapon si Aquino sa mga naulila ng beteranong mamamahayag na si Raul Beltran. Nakalagak ang mga labi ni Beltran sa St Peter’s Memorial chapel sa Quezon City. Sa Sabado ay ililipat ang kanyang mga labi sa Nasugbo, Batangas, at doon na ililibing sa Martes ng umaga. - GMA News